ITINATANONG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan napunta ang P1 bilyon environmental fees na nakolekta ng lokal na pamahalaan mula sa mga turistang dumayo sa Boracay nitong nakaraang 10 taon, ayon sa isang opisyal, nitong Miyerkoles.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing, nagbabayad ng P75 environmental fee ang bawat turistang pumupunta sa islang tanyag sa white beach.
Nasa dalawang milyon aniya ang dumarayo sa Boracay kada taon kaya nakakokolekta ang lokal na pamahalaan ng kabuuang P150 milyon environmental fee.
“‘Pag titingnan ho natin ang 10 years na aming babalikan, bilyon hong pera ang nakolekta ng lokal na gobyerno,” ayon kay Densing.
“Gusto rin namin malaman kung saan napunta iyan, baka nagamit kung saan-saan. Mayroon na hong kriminal na aspekto ang kalalabasan po nito,” dagdag niya.
Nakalaan ang environmental fee sa paglilinis ng baybayin ng Boracay ngunit kamakailan ay pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dumi ng isla at binansagan pa itong isang “cesspool.”
Isang malawakang paglilinis ang ipinatutupad ngayon ng gobyerno, at pinananagot ang mga establisyemento na may mga paglabag sa environmental laws at zoning regulations.
Binigyan ni Duterte ang DILG, Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources, at iba pang ahensiya ng anim buwan para isaayos ang Boracay.
Bumuo na ng task force ang mga ahensiya. Nitong nakaraang linggo, nagsimula ang grupo na imbestigahan kung aling mga resort ang dapat ipasara dahil sa mga sari-saring paglabag, sabi ni Densing.
Tinitingnan din aniya ng task force kung may pananagutan ang mga lokal na opisyal kaugnay ng ilang resort na naitayo umano kahit walang environmental clearance at building permit.
Samantala, inirekomenda nina Tourism Secretary Wanda Teo at DILG officer-in-charge Eduardo Año na isara ang Boracay ng 60 araw para sa rehabilitasyon ng isla.
Babayaran ng pamahalaan para tumulong sa clean-up ang mga mawawalan ng trabaho dahil sa panukalang closure, sabi ni Densing.
Tinitingnan din aniya ng DILG kung maaaring magamit na pampasuweldo sa grupo ang environmental fees.
Dagdag ni Densing, nakikipag-ugnayan ang DILG sa labor at social welfare departments para makapag-alok ng pautang sa mga maaapektohang manggagawa.