ISANG lasing na barangay chairman sa Tondo, Maynila ang nangulit at nakipagtalo sa mga opisyal ng ahensiyang nakapaloob sa Office of the President noong nakaraang Biyernes, 2 Marso 2018.
Kinilala ang lasing na opisyal na si Ronaldo Torres, chairman ng Barangay 60 sa nasabing lungsod, na hindi pa man nagsisimula ang operasyon ng joint inter-agency massive cleanup ng Estero dela Reina ay nag-iingay na at sumisigaw upang makuha niya ang atensiyon ng mga miyembro ng media na nag-cover sa event.
Sabi nga ng isang alyas “Ambet, residente ng Tondo: “Ang ingay-ingay niya, wala siyang respeto sa mga bisita at mga taong dumalo dito sa covered court. Iyong mga kapwa niya kapitan, nakasuot nang maayos para maging presentable sa okasyon tapos darating siyang naka-shorts at amoy chico? Nakahihiya siya!”
Ang massive clean-up operation ay pinamunuan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), isang ahensiyang nasa ilalim ng Office of the President na inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte para buhayin ang Ilog Pasig at iba pang mga tributaryo kagaya ng Estero dela Reina; Department of Interior and Local Government; Metropolitan Manila Development Authority; Department of Public Works and Highways; Manila Police District; Manila City Department of Public Services; Manila City Engineering Office; Manila Health Department; Manila Barangay Bureau, Manila Department of Social Welfare at Barangays 8, 9, 48, 49, 51, 52, 55, 56, 58 at 60.
Hindi pa nakontento si Torres dahil nang magpipirmahan na ang mga opisyal para sa kanilang dedikasyon na panatilihing malinis ang Estero dela Reina, sinimulan niyang mangulit at ginulo ang tahimik na okasyong pinaghandaan ng kanyang mga kapwa barangay chairman.
Dagdag ni Ambet: “E hindi naman siya uma-attend noong nagpupunta dito ang gobyerno sa pagpaplano ng event na ito. Pinulong silang lahat ng barangay chairman para kapag may tanong, doon pa lang masagot na agad. Ngayon, magbibida siya at magmamagaling. Bakit? Dahil alam niyang may TV camera at mga media sa amin? Dapat talagang pasikatin ang lasing na ‘yan para mapansin siya ni DILG Usec. (Martin) Diño!”
Ayon sa mga saksi, halatang nasa impluwensiya ng alkohol si Torres dahil kung nasa tamang katinuan ang kanyang isip ay hindi niya babastusin ang mga opisyal na dumalo para sa cleanup operation.
“Ampula-pula ng mukha niya, may putik ang mga binti, naka-shorts, nakasinelas, ‘yan ba ang tamang postura ng isang barangay official? Mga taga-Malakanyang ang bisita namin, pati na rin sa City Hall kay Mayor Erap, ipinahiya niya kaming lahat. Kung gusto niyang magmagaling, huwag na siyang magdamay ng ibang barangay!” himutok ng may edad na babaeng residente rin sa Tondo.
Maraming nagsasabi na sana, matauhan ang mga taga-Tondo at huwag nang iboto sa Mayo ang mga tulad ni Torres na binigyan ng kahihiyan ang kanyang mga kababayan.