Thursday , December 26 2024

STL sa Albay at Camarines Sur, pilit na sinisira!

DAHIL sa kamandag ng payola, nagmamaang-maangan ang lokal na pulisya sa Albay at Camarines Sur sa muling paglipana ng ilegal na sugal gaya ng peryahan at paggamit sa Small Town Lottery (STL) para sa larong jueteng.

Ang hangarin ng mga gambling lord kasabwat ang ilang corrupt na politiko at opisyal ng pulisya ay siraan ang STL, ang tanging legal numbers game sa bansa.

Ang STL na palaro ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay legal at nag-ambag sa kaban ng bayan, sa gobyerno ng Pangulong Rodrigo Duterte, nang halos P16 bilyon noong 2017. Ang 30% na kinita sa STL ay awtomatikong napunta sa pondo ng kawanggawa gaya ng ayuda sa pagdi-dialysis, chemo, operasyon, ospita­lisasyon, at iba pa, ng mga nagkakasakit at humihingi ng tulong lalo ang mga kapos-palad nating kababayan. Halos kalahating milyong nagkakasakit nating kababayan ang nabiyayaan ng tulong pinansiyal mula sa kita ng STL, isama na ang kita mula sa Lotto, Keno at Sweepstakes na nagkakahalaga ng mahigit P8 bilyon na inilagak at na-gamit para sa Individual Medical Assistance Program (IMAP) ng PCSO noong 2017.

Sa jueteng, peryahan, pares, swertres, masiao, at iba pa, mga palaro ng mga gambling lord ng “underworld” o mga ilegalista kung turingan. Ni singkong-duling ay walang buwis o kita na pakikinabangan ang gobyerno at mamamayan dahil ilegal nga, hindi nagbabayad ng buwis. Ang tanging kumikita ay financier o gambling lord at mga kasabwat niyang corrupt na opisyal ng gobyerno kasama ang ilang tiwaling pulis na nagsisilbing mga protektor.

Sa Albay, nalilito daw ang pulisya kung sino ang susundin, kung sino ang legal sa Lucky V Prime, ang Authorized Agent Corp. (AAC) na si­yang may awtorisasyon mula PCSO na maglaro ng STL, at Globaltech Mobile Online Corp. (Globaltech).

Para malinaw, ang STL ng Lucky V Prime ay isang legal na palaro, may awtorisasyon mula sa PCSO.

Ang palaro ng Globaltech na peryahan ay ilegal, walang awtorisasyon o permiso mula sa PCSO, taliwas sa ipinagkakalat ng kompanya na awtorosiado sila ng PCSO. Hindi po awtorisado ng PCSO ang Globaltech para maglaro ng peryahan na hinahaluan ng kung ano-anong sugal gaya ng jueteng.

Eto pa, ang ilegal na gawain ng Globaltech ay nauwi sa kasuhan sa korte. Noong 13 Oktubre 2017 (Civil Case No. 75149), ibinasura ni Regional Trial Court (RTC), Branch 161, Pasig City Presiding Judge Nicanor A. Manalo Jr., ang hirit ng Gobaltech na Writ of Injunction. Ibig sabihin, hindi puwedeng maglaro ng peryahan ang naturang kompanya kahit nasa arbitrasyon pa ang kaso laban sa PCSO.

Kaya Philippine National Police (PNP) chief General Ronald dela Rosa, Sir, hindi raw alam ng pulisya sa Albay kung sino ang legal o ilegal, ang Lucky V Prime ba o ang Globaltech? Baka hindi rin alam ng Albay at Camarines Sur police na may Memorandum of Agreement (MOA) ang PCSO at ang tanggapan ninyo Sir, bilang PNP chief, na nagsasaad na dapat sawatain ng pulisya ang lahat ng klase ng ilegal na sugal sa bansa alinsunod sa Executive Order No. 13, o ang all-out war vs. illegal gambling ni Pangulong Duterte?

Nitong nakaraan buwan ng Pebrero, ibinasura ng PCSO ang awtorisasyon ng Evenchance Gaming Corp. para maglaro ng STL sa Camarines Sur dahil sa mga paglabag sa STL Implementing Rules and Regulations (IRR). Ibinukas ng PCSO ang pagsusumite ng aplikasyon para sa bidding para sa mga interesadong maglaro ng STL sa naturang probinsiya. Pero habang wala pang STL player, ayun, sumulpot muli ang jueteng ng mga ile­galista at tipong “everybody happy” ang kalakaran nga­yon doon.

About Florante Solmerin

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *