TOTOO nga pala ang info nitong nakaraang linggo na kasama sa reshuffle ng Bureau of Jail Management and Penology – National Capital Region (BJMP-NCR) si Supt. Ermilito Moral, Quezon City Jail Warden.
Sinasabing kabilang si Moral sa tatanggalan ng posisyon dahil tatlong beses nang nagkaroon ng riot sa loob ng anim na buwan sa piitang ipinagkatiwala sa kanya o simula nang maupo sa QC Jail.
Miyerkoles, 28 Pebrero 2018 nang bumaba ang order para kay Moral.
Sa nakatakdang pag-relieve kay Moral, posibleng nagbunyi ang nasa likod ng sumisira sa imahe ng QC Jail. Tinutukoy na pagsira sa gumandang imahe ng QC Jail ang tatlong beses na nangyaring riot city jail.
Sa nakalap na info ng pamunuan ng QC Jail, ang riots ay nangyari hindi dahil sa hindi pagkakaunawaan ng mga bilanggo kung hindi ito ay kagagawan ng sindikato ng droga. Pinondohan nila ang gulo. Ilan sa alaga nilang preso na nakikinabang sa sindikato ang kanilang inutusan na manggulo para masibak si Moral.
Yes, gusto nilang masibak si Moral para makapagnegosyo uli sila sa loob ng kulungan. Paano naman naging kagagawan ng sindikato?
Ganito kasi iyon, nang maupo si Moral sa QC Jail, mahigpit ang kanyang kampanya laban sa ilegal na droga bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa droga.
Ilan linggo ang makalipas nang maupo si Moral noong Agosto 2017, natumbok niya kung sino ang preso na pinagbabagsakan ng droga. Kaya, ipinalipat ni Moral sa BJMP Bicutan.
Hindi lang ang preso ang ipinalipat kung hindi maging ang ilang jailguard na hinihinalang kasabwat ng sindikato.
Sa madaling salita, nasugpo ni Moral ang bentahan ng droga sa piitan. Siyempre, sa pagkakawala ng droga, maraming preso ang naapektohan. Walang mabilisang kita o walang magamit. So, ang naging solusyon, kinakailangan manggulo ang mga presong alaga ng sindikato para sa “ulo” ni Moral. At kapag nasibak na si Moral, makapapasok uli ang droga.
Hayun, nitong nakaraang linggo, inakala ng sindikato na nagtagumpay ang kanilang plano. Pero ano, bigo ang sindikato, lalo ang ilan sa mga taga-BJMP na interesado sa trono ni Moral. Ba’t sila nabigo? Binawi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang order para kay Moral.
Nanatili si Moral sa puwesto. Bakit? Nakitang sinsero si Moral sa pagpapatupad sa direktiba ni Pangulong Duterte kaugnay sa walang humpay na giyera laban sa droga lalo sa mga nagbibigay proteksiyon sa sindikato.
Therefore, bigong-bigo ang mga nasa likod ng nagnais na ‘pagulungin’ ang ulo ni Moral para maupo ang gusto ng mga sindikato.
Meaning, sa pananatili ni Moral sa QC Jail, mananatiling hindi makalulusot ang droga sa piitan.
Sa nangyaring pananatili ni Moral sa posis-yon, patunay lamang ito na nangingibabaw pa rin ang kabutihan… at kailanman ay hindi nagwawagi ang kasamaan o kadiliman.
Katunayan, nang nalaman din ng mga preso na mananatili si Moral bilang warden, nagbunyi sila. ‘Ika nga, ang impormante sa loob ng piitan, kung natuloy ang pagsibak kay Moral, magkakagulo raw sa loob o magra-riot sila.
Pero kinansela ng inmates ang plano dahil, ang kanilang inirerespetong si Moral na mga anak ang turing sa kanila, ay makakasama pa rin nila.
Well, inaasahan naman…malamang sa malamang na gagawa pa rin ng paraan ang sindikato at ilang kasabwat nila sa BJMP para matanggal sa posisyon si Moral.
Marami na palang repormang ginawa at patuloy na ginawa si Moral sa city jail para sa interes ng inmates at para sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.
Abangan!