KAHANGA-HANGA ang isang tulad ni Hec, isang magaling na rock singer dahil iniwan ang magandang buhay sa America para bumalik sa Pilipinas at ituloy ang pagre-record at pagbabahagi ng musika.
Matagal nang konektado si Hec sa music industry. At nang tumakbo si Pangulong Rodrigo Duterte gumawa siya ng awitin, naisip niyang ituloy-tuloy na ang karera sa pagkanta. Napagtanto niya kasing na-miss niya ang ‘Pinas gayundin ang musika na ‘ika nga niya’y malaki na ang ipinagbago.
Nabuo niya ang Dr. Lab album na kinapapalooban ng walong awitin.
Sabi nga ni Hec, parang nakikipag-usap siya sa kanyang mga musika. Kasama rito ang awitin ukol sa relasyon ng mag-ama. Tumatalakay din ang ilang kanta sa mga social issues at iba pa.
Ang musika ni Hec ay inihalintulad sa isang salad dahil pinaghalo-halong iba’t ibang klase ng musika ang mga kanta sa album—folk, classic, rock, pop, pop-jazz) pero pinananatili nito ang crisp at healthy folk-rock flavor. At may bonus track pa ito ang Atin to Pre, ang rock campaign jingle na ginawa niya para kay Duterte.
Ang Dr. Lab ay ipinrodyus ng GOODING at inirekord sa S3 records sa Wichita, Kansas, USA. Ini-remix ito sa VAS studio sa Quezon City at digitally distributed ng BLCKMRKT Records International.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio