BUONG akala namin, special guest si Jessa Zaragoza sa album launching ng powerful at soulful Malaysian RnB singer na si Min Yasmin dahil pinatutugtog ang kanta nitong Bakit Pa.
Pero hindi pala dahil nang ipakilala na si Min at bigyan kami ng kopya ng Pangarap album ng sikat na singer, isa lang pala ang kanta ni Jessa sa pitong Filipino song na nakapaloob sa album.
Kasama rin sa mga Pinoy song na kinanta ni Min ang Sabihin Mo Na, Pangarap, Sa Iyo, Pag-Ibig Kong Ligaw, at Sigaw ng Damdamin.
Labing-apat na awitin ang nakapaloob sa album kasama na ang In the Way You Love Me (nag-iisang English song), tatlo ang Tausug—Tibuuka Na, Atayku Masi Ra, at Kasilasa Ini; isa ang Sama (Amaid Aky Lasa); at dalawa ang Malay (Belum Lelah Setia at Wahai Kekasih).
Kahanga-hanga si Min dahil ang galing niyang kumanta ng Tagalog songs na ipinrodyus ng Julfekar Music at pag-aari ng award-winning Malaysian songwriter-producer na si Julfekar.
Biritera rin ang Malaysian singer na kilala rin bilang theme song queen sa kanilang bansa.
Sa presscon, naikuwento niyang malaki ang naitulong ng mga Pinoy teleserye para matuto siyang magsalita ng Tagalog.
“Napanood ko ang ‘Pangako Sa ‘Yo’ at ‘Please Be Careful With My Heart.’ Ay si Ser Chief, whew! It was really beautiful! From those Filipino TV series I learned several Tagalog words,” medyo may kilig na kuwento ni Min ukol kay Richard Yap sa teleserye nila noon ni Jodi Sta. Maria sa ABS-CBN.
Bilib din si Min sa mga Pinoy singers tulad nina Lani Misalucha, Regine Velasquez, at Jessa Zaragoza. ”They are all great performers and they are very nice. And I also like Gary V and Martin Nievera!”
Marami nang naiuwing award si Min bilang singer at performer, kabilang na ang Outstanding Asian Singer 2015 mula sa Gawad Sulo Ng Bayan Awards at Music Ambassador 2015 na ibinigay din sa kanya rito sa Manila.
Samantala, ilan sa mga tumulong para maging successful ang debut solo Philippine album ni Min ay ang Bless Amare, Bless Okiniiri Japanese resto at Bless Las Paellas.