PATULOY pa rin ang mga reklamo galing sa concerned citizens na ating natatanggap tungkol sa lumalalang sitwasyon ng mga turistang pasahero na dumarating at umaalis riyan sa Kalibo International Airport.
Paano raw kaya sosolusyonan ng pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mahabang pila ng mga pasaherong dumarating sa bansa ganoon din ang umaalis palabas ng Filipinas?
Madalas daw kasing umaabot hanggang domestic boarding gates ang pila ng mga dumarating na international passengers bago pa man sila makapasok sa arrival area ng airport immigration.
Bago pa man daw ma-clear ng immigration ang mga pasahero, tagaktak na ang pawis na madalas ay tinatamaan pa ng “jet blast” ng mga eroplanong umaalis dahil sila ay hindi kayang i-accommodate sa loob mismo ng naturang airport.
Susmaryosep!
Jet blast??
‘Di ba carbon monoxide ang buga n’yan!?
Namasyal lang ng Filipinas, may baon nang ‘cancer’ pagbalik sa kanila?
Ayon sa mga pamunuan ng Customs, Immigration at Quarantine ng Kalibo, sila man daw ay nag-aalala para sa kapakanan ng mga dumarating at umaalis na pasahero.
Pero kahit anong adjustment raw ang gawin nila pagdating sa kanilang mga tao, wala pa rin daw magagawa kung mismong ang estruktura ng airport ang may problema!
Kinakailangan daw talaga na magbawas na ang CAPLOG ‘este CAAP ng mga pinararating na eroplano bago pa man mapahamak ang mga pasahero!
E bakit nga kasi panay pa rin ang isyu ng landing permit ng CAAP e salat naman ang kanilang pasilidad?
Mantakin ninyong cincuenta y quarto (54) international flights kada araw para sa kapiranggot na airport!?
Windang talaga!
Sa panig naman ng mga pasahero na tinatamaan ng nasabing “jetblast” hindi ba puwedeng magawan ng paraan ng CAAP na lagyan ng harang ang bandang likuran ng airport para maiwasan ang disgrasya?
Aba’y nakahihiya na sa mga dumarating na turista!
Hindi ba puwedeng pag-usapan na ayusin nina DOTr Secretary Art Tugade at CAAP DG Jim Sydiongco ang matinding problemang ito?!
Taglamig pa ngayon mga bossing. Paano na kung dumating ang summer season? Hindi malayo na may atakehin sa mga pasahero dahil sa tindi ng init sa lugar na ‘yan!
Kilos na habang maaga!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap