TINAMBANGAN ng apat na hindi kilalang mga suspek ang isang barangay executive ng Malabon na aktibo sa kampanaya kontra droga, kasama ang dalawa pa habang lulan ng sasakyan sa Tondo, Maynila.
Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan sina Harold ”Chime” Padilla, 40, Brgy. Ex-O ng Malabon, at pamangkin ng sikat na shooter na si Tac Padilla, at kanyang asawa na si Irene Padilla, makaraang tambangan ng mga suspek.
Agad binawian ng buhay sa insidente ang kanilang driver na si Christopher Roloque, 43, residente sa San Agustin, Malabon City, bunsod ng mga tama ng bala.
Ayon sa MPD Station 7, naganap ang insidente dakong 9:55 ng umaga habang lulan ang tatlo ng isang brown Toyota Innova (WSI 371).
Pagsapit ng kanilang sasakyan sa New Antipolo at Solis streets, bigla silang pinagbabaril ng mga suspek.
Nabatid na si Harold, bilang isang Brgy Ex-O, ay aktibo sa kampanya kontra droga sa kanilang barangay, na barangay chairman ang tiyuhin na si Tac Padilla.
Si Harold ay nagmula sa mampluwensiyang pamilya na nagmamay-ari ng Spring Oil sa Malabon.
Puspusan ang imbestigasyon ni Det. Bernard Cayabyab ng MPD-Homicide Section, upang mabatid ang motibo at matukoy ang mga suspek sa pamamaril. (BRIAN GEM BILASANO)