NAGBABALIK ang Martial Arts Superstar na si Jackie Chan sa big screen para sa maaksiyong Sci-fi movie,Bleeding Steel na magbubukas na sa mga sinehan sa February 21.
Mula sa direksiyon ni Leo Zhang, ang Bleeding Steel ay tungkol sa isang Special Agent na si Lin Dong (Chan) na nalagay sa isang alanganing sitwasyon na kinailangang mamili sa kanyang pamilya o sinumpaang tungkulin. Nakatanggap siya ng tawag sa hospital na kasalukuyang ginagamot ang kanyang anak na may Leukemia. Dahil sa kritikal na kondisyon ng anak, nagmadali siyang pumunta sa hospital. Ngunit isang tawag pa ang kanyang natanggap mula naman sa kanyang katrabaho para sa isang biglaan at delikadong misyon.
Ayon sa impormasyong ibinigay kay Lin, nanganganib ang buhay ni Dr. James, isang importanteng witness na nangangailangan ng proteksiyon ng pulisya. Ngunit bago pa man makarating ang mga pulis sa kinaroroonan ni Dr. James, nag-inject na siya ng isang chemical substance na nakatago sa isang mechanical heart.
Nang makarating ang mga pulis para ilipat siya sa mas ligtas na lugar, bigla naman silang sinugod ng mga armadong tao. Halos lahat ng miyembro ng team ni Lin ay namatay sa ambush.
Makalipas ang 13 taon, ano na kaya ang nangyari kina Agent Lin, sa kanyang anak, at sa misteryosong si Dr. James na maaaring maging susi sa isang advanced ngunit napakadelikadong teknolohiya?
Hitik sa aksiyon at nakatatawang eksena ang Bleeding Steel, dalawang bagay na trademark ng isang Jackie Chan movie. Sa pelikula ring ito, pinagsama ni Chan ang kanyang mga kilalang martial arts moves at mga bagong fighting styles na swak sa isang sci-fi action film.
Ang buong pelikula ay kinunan sa Taipei, Beijing, at Australia. Isa sa mga dapat abangan ay ang astig na fight scene ni Chan sa tuktok ng Sydney Opera House.
Ipalalabas ang Bleeding Steel sa February 21 mula sa VIVA International Pictures at MVP Entertainment.