MALUBHANG nasugatan ang isang lalaki nang makipagbarilan sa nag-respondeng mga pulis habang arestado ang tatlo niyang kasama sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas police chief, S/Supt. Brent Milan Madjaco ang arestadong mga suspek na sina MC De Jesus, 32, nakatira sa Brgy. North Bay Boulevard South; Crispin Santiago, 47, residente sa Dagat-Dagatan, Brgy. NBBS, kapwa ng Navotas City, at Antonio Tonido Jr., 60, taga-Kawal St., Dagat-Dagatan Avenue, Caloocan City.
Habang sugatan ang suspek na si Anthony Lazaro, 20, residente sa Brgy. NBBS, natunton ng mga pulis sa Tondo Medical Center habang nila-lapatan ng lunas dahil sa tama ng bala sa katawan.
Ayon sa ulat nina PO3 Allan Bangayan at PO1 Filbert Madio, dakong 11:30 pm, iniulat ng isang concerned citizen sa Navotas Police Community Precinct 4 ang hinggil sa ilang lalaking nagpapaputok ng baril sa Area 1, Phase 2, Brgy. NBBS.
Agad nagresponde sa lugar ang mga pulis, sa pangunguna ni S/Insp. Cerillo, at naabutan sina Santiago at Tonido habang umiinom sa tabi ng kalsada kaya inaresto dahil sa paglabag sa city ordinance.
Nakompiska mula kay Santiago ang isang .38 kalibreng baril.
Makalipas ang ilang sandali, dumating sina De Jesus at Lazaro habang lulan ng motorsiklo ngunit imbes huminto ay nagtangkang tumakas.
Bumunot ng baril ang angkas na si Lazaro at pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ng putok ang mga pulis dahilan para tamaan ng bala si Lazaro ngunit nakatakas habang arestado si De Jesus.
Sa follow-up operation, nadakip ng mga pulis si Lazaro sa Tondo Medical Center habang nilalapatan ng lunas.
(ROMMEL SALES)