PORMAL na sinuspende ng Sandiganbayan ang pagbasa ng sakdal kina dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, dating PNP chief Alan Purisima, at dating Special Action Force (SAF) director Getulio Napeñas, sa mga kasong kriminal kaugnay sa Mamasapano encounter.
“This court thus holds in abeyance the arraignment and pre-trial it tentatively set on February 15, 2018 with respect to Aquino III, Purisima, and Napeñas,” ayon sa resolusyon ng Sandiganbayan.
Ang suspensiyon ay makaraan mag-isyu ang Supreme Court ng temporary restraining order hinggil sa kaso.
Ang bawat respondent ay nahaharap sa isang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at usurpation of official function.
Nilagdaan nina Division chairperson Associate Justice Alex Quiroz, Associate Justices Reynaldo Cruz at Bayani Jacinto ang resolusyon noong 12 Pebrero.
Ang kaso laban sa mga respondent ay nag-ugat sa police anti-terror operation noong 2015 na ikinamatay ng pangunahing target na si Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alias Marwan, ngunit nagresulta sa pagkamatay ng 44 SAF members.