SALUDO ang BBB mga ‘igan sa ginagawang pag-arangkada nitong si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde sa pulisya ng bansa!
Aba’y…hataw dito hataw doon si Direk! Kaya naman, hayun…timbog si pulis-astig! He he he… maaga tuloy magpepenetensiya ang mga tarantadong pulis!
Biruin n’yo nga naman mga ‘igan, sa paghataw ni P/Dir. Albayalde, nabulabog ang mga parak sa kani-kanilang mga lungga! OMG! Ganoon pa man, wala pa rin lusot, bagkus tiklo pa rin mga ‘igan ang tutulog-tulog sa pansitan na ilang pulis sa lungsod ng Pasay. Sinundan ito ng ilang Muntinlupa police na tiklo rin dahil walang takot na nag-iinuman sa oras ng kanilang duty, sus ginoo!
Sa paghataw naman ni Direk sa Quezon City…ay sus, naaktohang tulog na tulog ang sinamaang-palad ‘este sina mamang pulis! Pwe! Anak ng tipaklong, matutulog at maglalasingan lang ba ang magiging trabaho ng mga gagong pulis?
Aba’y mali!
Bossing, dapat dito’y ipatapon sa kangkungan o sa rehas na bakal na mabigyan ng leksiyon at hindi na pamarisan ng ibang pulis!
Pero teka ‘igan, kailan kaya bibisita si NCRPO Director Albayalde sa Maynila? Naku! Matindi ang magiging laban n’ya rito!
Aba’y, himbing na himbing ang mga pulis sa Maynila…naghihilik pa! And take note mga ‘igan, hindi lang tiwaling pulis ang mahahataw n’ya sa Maynila, maging ang mga tiwaling opisyal ng barangay (Brgy. 659–A na pinamumunuan ni Chairman Ligaya V. Santos) na nakikipagsabwatan sa kawalanghiyaan ng mga pulis! Sampu ng mga tigasing-pulis na pinaghuhugutan ng tapang ng mga nag-i-illegal parking terminal sa Plaza Lawton, partikular ang mga bus (Kersteen Bus at Don Aldrin Bus), na naka-peka sa ilalim P. Burgos Interchange sa tapat ng opisina ni Lawton PCP Commander S/Insp. Randy Pasta Veran!
Isama pa ang mga pulis na malaki rin ang kinikita sa illegal vendors sa Plaza Lawton! Kaya hayun, mistulang maruming palengke at basurahan ang nasabing lugar! Ano ba ‘yan! Magkanong dahilan kaya mga ‘igan?
Gayonman, congratulations P/Dir. Albayalde! Go go lang po sa paghataw…(papuntang Maynila). Ikaw ang pag-asa ng bayan upang maibalik ang tunay na paggalang sa ating pulisya! Mabuhay ka Bossing!
OFW BUHAY NA BAYANI
Personal na sinalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga umuwing overseas Filipino workers (OFWs), na itinuturing na buhay na bayani ng bansa, mula Kuwait.
“Welcome home and masaya ako na dumating kayo rito…buhay, at least buhay, walang pinsala at in good spirits,” nakangiting wika ni Ka Digong.
Sa simula mga ‘igan, sinabi ni PDU30 na handang ibenta ang kaluluwa sa demonyo para mapauwi at mabigyan ng magandang buhay ang mga OFW.
“…and I will sell the soul to the devil to look for money so that you can come home and lie comfortably here. Pauwiin ninyo na sila, appeal to their patriotism,” ani Ka Digong.
Kasabay nito’y binuweltahan ang Kuwait sa gitna ng mga kasong pang-aabuso sa mga OFW.
Sa pangyayaring ito mga ‘igan, mahigpit nang ipinatutupad ng gobyerno ang OFW deployment ban sa Kuwait.
“A total ban sa deployment of all overseas Filipino workers to Kuwait pursuant to the directive of the President of the Philippines is hereby enforced. This order takes effect immediately,” mariing paliwanag ni DOLE Sec. Sivestre Bello III.
Ngunit mga ‘igan, ayon sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA), ang mga skilled workers ay hindi umano kasama sa ipinatutupad na ‘deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.
Sa ngayon, binigyang diin ni Pangulong Duterte na dapat umanong nabibisita araw-araw ng ‘consular officer’ ang OFWs araw-araw, upang malaman ang kanilang kasalukuyang kalagayan at maiwasan ang pagsisisi sa huli…