BAGO ang pagdiriwang ng Valentine’s Day, hinimok ng grupong Pro-Life Philippines ang publiko na umiwas sa pornograpiya at human immunodeficiency virus at acquired immune deficiency syndrome (HIV/AIDS).
Kasabay nito, namahagi ang grupo sa mga namamasyal sa Rizal Park sa Maynila ng mga kendi na may mga balot na mga mensahe ukol sa pag-iwas sa mga malalaswang pelikula at HIV/AIDS.
May ilang paketeng naglalaman ng mga mensahe hinggil sa paggalang sa mga kababaihan at pagkapit sa panananampalataya upang makaiwas sa tukso.
Ayon kay Anthony James Perez ng Pro-Life Philippines, ang pagpapakalat ng kamalayan umano ang ambag ng kanilang grupo para kahit papaano ay maibsan ang mga kaso ng HIV/AIDS at hindi inaasahang pagbubuntis sa bansa.
Noong 2016, may 10,500 Filipino ang naitalang may HIV mula 4,300 noong 2010, ayon sa Department of Health.
Habang batay sa pag-aaral ng Commission on Population at Philippine Statistics Authority, patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng teenage pregnancy sa bansa.