APROBADO sa ikatlo at huling pagdinig ang panukalang gawing National Press Freedom Day ang 30 Agosto kada taon sa bansa.
Sa botong 210, naipasa sa Mababang Kapulungan ang House Bill 6922, isinulong bilang pag-alala kay Marcelo H. del Pilar na kinikilalang ama ng Philippine Journalism.
Si Del Pilar na sumulat sa ilalim ng alyas na “Plaridel” ay ipinanganak noong 30 Agosto 1850.
Layon ng panukalang mabigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral sa buong bansa ukol sa kahalagahan ng malayang pamamahayag laban sa lahat ng uri ng karahasan sa nasabing larangan.
Pahayag ng may-akda na si Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, ang pagdedeklara ng 30 Agosto bilang National Press Freddom Day ay pagpapakita sa buong mundo nang pagkilala ng Filipinas sa “freedom of the press.”
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay mandato sa mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), local government units, gayondin ang pribadong sektor, na bigyan ng pagkakataon ang kani-kanilang empleyado na lumahok sa alinmang aktibidad na may kaugnayan sa nasabing pagdiriwang.
(JETHRO SINOCRUZ)