MALAKING isyu ngayon ang kawalan ng sapat na stock na bigas ng National Food Authority (NFA).
Una kasing tinatamaan nito ang maliliit nating mga kababayan na bumibili ng tinging bigas o ‘yung isa o dalawang kilo isang araw.
Dahil hindi nila kayang bumili ng bigas para sa buong isang linggong konsumo, napipilitan silang bumili sa mga komersiyalisadong bigas gaya ng Angelika, Sinandomeng, Dinurado na talaga namang sagad sa ‘langit ng pobre’ ang presyo.
At nangyayari ito ngayon dahil 250,000 metriko toneladang bigas lang ang pinayagang angkatin ng NFA Council noong nakaraang taon.
At kung ngayon pa lang bibili ang gobyerno, ang presyo nito sa world market ay US$470 per metric ton, mula sa dating US$410-US$420 per metric ton.
Bukod diyan, hindi naman ganoon kabilis ang proseso ng pag-aangkat ng bigas, aabutin pa nang kung ilang panahon ‘yan.
At habang tumataas ang presyo ng bigas sa world market, tumaas na rin ang presyo ng komersiyal na palay.
Ang bigas mula sa bukid ay umaabot ng P19 per kilo. Kung susundin ang rule of thumb (sa pagbebenta) times two ito na lalabas na P38-P40 ang bawat kilo.
Mismong rice retailers ang nagsasabi na dahil sa kakulangan ng bigas, ang NFA rice ay mabibili sa halagang P27 o kaya’y P32 kada kilo.
Ibig sabihin, ang buong bansa ay nakararanas ngayon ng kakulangan ng subsidized rice mula sa gobyerno o NFA.
Kaya kung mataas na ang presyo ng NFA rice, e ‘di mas lalo pa ang commercial rice.
Ayon kay NFA spokesperson Rebecca Olarte, “Mayroon tayong supply ng NFA rice kaya lang limitado, so, sa ngayon pina-prioritize kung saan dadalhin ‘yong NFA rice.”
Wattafak!?
Ibig sabihin po ng pina-prioritize, kung saan kailangan ang bigas gaya sa Marawi at nitong huli ay sa mga napinsala ng pagsabog ng bulkang Mayon at iba pang lugar na biktima ng kalamidad.
Ang naangkat na bigas ay sapat lang sa pito hanggang walong araw na supply kung sa NFA lang bibili ng bigas ang buong bansa.
“Last year hindi kami gaanong nakapamili ng palay kasi napakataas ng bili ng private traders… kaya mas preferred ng farmers sa kanila magbenta para mas maganda ‘yong kita,” ani Olarte.
Matatandaan, noong nakaraang taon, sinipa ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang isang opisyal dahil sa pagkontra niya sa desisyon ng NFA na ipagpaliban muna ang pag-aangkat ng bigas habang panahon ng ani.
Pero nagsisimula na naman daw umani ng bigas sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kaya makabibili na ulit ang NFA ng supply.
Layunin din nilang muling mag-angkat mula sa ibang bansa.
Pakiusap ng NFA sa mga rice retailer, huwag magtaas ng presyo dahil sa shortage ng NFA rice, lalo’t wala ngang nakaimbak.
Supposedly, ang warehouses ng NFA ay dapat na may sapat na imbak na bigas lalo sa panahon ng kalamidad.
Anyare NFA chief Jason Aquino?!
Gusto mo bang patunayan kay Pangulong Digong na mali si CabSec Jun Evasco kaya hinayaan ninyong maiga ang imbak na bigas?!
Ganito ba talaga sa Filipinas?!
Pati ba naman bigas na staple food ng sambayanan lalo ng maliliit nating kababayan ay ‘nilalamon’ ng bulok na politika?!
Ay sus!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap