DALAWANG dayuhan ang sugatan nang bumagsak ang isang private plane sa karagatang sakop ng Palawan bunsod ng problema sa makina nitong Linggo ng hapon.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, spokesperson ng MIMAROPA regional police office, ang eroplano ay bumagsak malapit sa Turublian Resort sa Brgy. New Agutaya, sa bayan ng San Vicente dakong 1:30 ng hapon.
Kinilala ni Tolentino ang mga sugatan na sina Malaysian Harinalan Munianday, at British Max Edward Harvey.
Ang dalawang piloto ay dinala sa Rural Health Unit ng San Vicente para lapatan ng lunas.
Sinabi ni Tolentino, ang eroplano ay patungo sa Maynila mula sa San Vicente Regional Airport sa Palawan para maghatid ng buhay na mga isda.
Nakatakdang magsagawa ng ocular inspection sa lugar ang Civil Aviation Authority of the Philippines.
HATAW News Team