NAGBANTA ang mga mambabatas sa nagbabangayang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa isyu ng lotto, sweeptakes at Small Town Lottery (STL) operations.
Ayon kina AKO Bicol Party-List Rep. Rodel Batocabe at Quezon City 2nd District Rep. Winston Castelo, dapat magkaisa ang liderato ng PCSO upang higit na mapagsilbihan ang publiko lalo ang mahihirap na sector.
“Ceasefire on the word war. Let’s be sober and stop the fighting. PCSO is a collegial body that no policy or program can be implemented without the approval of the Board. The infighting can prevent the immediate realization of charity work to the detriment of the needy,” ani Castelo.
Kung matatandaan, lantaran ang naging pambabatikos ni PCSO board member Sandra Cam sa kasalukuyang liderato ng ahensiya, na naging simula ng iringan nila ni PCSO General Manager Alexander Balutan.
Sa pagdinig ng House Committee on Games and Amusement, tahasang inamin ni Balutan na si Charlie “Atong” Ang ang unang nagtangkang manuhol sa kaniya ng P200 milyon upang masolo ang STL operations sa buong bansa.
Pagbubulgar ni Balutan, magkasama umano sina Ang at Cam nang magtungo sa kaniyang tanggapan at ito ay kani-yang mapapatunayan dahil sa hawak niyang CCTV footages at mga retrato.
Samantala, muling nanawagan si House Minority Leader Danilo Suarez na huwag buwagin ang STL dahil aabot sa 400,000 empleyado ang mawawalan ng trabaho.
ni JETHRO SINOCRUZ