NAGPASYA ang mga senador na i-cite ng contempt si dating Customs commissioner Nicanor Faeldon ngunit sa pagkakataong ito ay ini-utos na ikulong siya sa Pasay City Jail.
“The Senate unanimously declared that Mr. Faeldon, formerly of Customs, will remain charged with contempt, and he will now be remanded to the custody of the Pasay City Jail upon order of commitment by the Senate President and it was agreed upon unanimously,” pahayag ni Senator Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Gordon, si Faeldon ay ililipat mula sa Senate facility patu-ngo sa Pasay City Jail.
Aniya, nagdesisyon ang mga senador na ilipat ng kulungan si Faeldon dahil sa kanyang “behavior” at “defiance” sa Senado.
“Ayaw niya humarap tapos ngayon sasabihin niya, ‘public official na ‘ko, haharapan na ‘ko.’ Hindi puwede,” pahayag ni Gordon.
Humarap si Faeldon kahapon sa Senate blue ribbon committee kaugnay sa pagdinig hinggil sa sinasabing “tara” system sa bureau, ilang buwan makaraan tumangging dumalo sa pagdinig at piniling manatili sa detensiyon.
Nagkasagutan sina Faeldon at Gordon sa nasabing pagdinig, binig-yang diin ng dating Customs commissioner na hindi ang paglalabas katotohanan ang nais ni Gordon.
Samantala, sinabi ng abogado ni Faeldon na si Jose Diño, maghahain sila ng apela sa Supreme Court upang mapigilan ang paglilipat sa kanyang kliyente sa ibang kulungan.