INIHAYAG ni Senador Manny Pacquiao nitong Miyerkoles, na umaasa siyang susuportahan ng kanyang mga kasama sa Senado ang death penalty na tanging puntirya ay mga drug lord.
“Mahihirapan talaga kami to get the majority but we’re going to explain again to my colleagues that pipiliin lang natin, kumbaga ang gusto namin dito is ‘yung drug lords,” pahayag ni Pacquiao.
“Wala naman sigurong drug lords na mahirap. Hindi ‘yung mga users, ‘yung mga drug lords talaga ang gusto namin,” aniya.
Sinabi ni Pacquiao, chairman ng Senate subcommittee on justice and human rights, magsasagawa sila ng isa pang pagdinig upang himayin ang mga detalye para maituring na drug lord ang isang drug suspect.
“Hindi naman siguro masama na puro lang sa drug lord kasi ‘yun ang gumagawa. Nasisira ang kabataan natin because of these people,” aniya.
Sinabi ng senador, ilan sa kanyang mga kasama sa Senado ang sumusuporta sa death pe-nalty ngunit nais nilang ilimita lamang ito sa drug offenses.
Naghain si Pacquiao ng tatlong magkakahiwalay na panukala, naglalayong isulong ang death penalty para sa drug trafficking, kidnapping, at aggravated rape.
Ilang senador din ang naghain ng panukala hinggil sa death penalty para sa iba’t ibang krimen.