MAGKAKALOOB ng special permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus na papayagang mamasada sa mga rutang lubhang naaapektohan dahil sa operasyon ng Inter-Agency Council for Traffic laban sa mga bulok at mausok na pampublikong sasakyan.
Inihayag ni LTFRB spokesperson Aileen Lizada, maraming mga pasahero ang naii-stranded sa mga ruta na maraming nahuhuling mga jeep.
Ito ay mga rutang Commonwealth to Trinoma, Commonwealth to Cubao, Marcos Highway to SM Masinag papuntang Cubao, at ang rutang EDSA Shaw to Stop and Shop.
Ayon kay Lizada, 25 kompanya ng bus ang nakipagpulong sa kanila at maaaring payagang mamasada sa mga rutang ito simula sa susunod sa linggo.
Nananatili pa rin ang pamasahe sa bus sa mi-nimum na P10 sa ordinary bus at P12 kapag airconditioned.
Matatandaan, nitong nakaraang Miyerkoles, Enero 10, nang simulang hulihin ng I-ACT ng mga tsuper at operator ng halos gutay-gutay nang mga sasak-yang pumapasada pa rin.
Ito’y makaraan si-mulan ang “Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok.”
Bunsod nito, naging talamak ang “trip cutting” sa mga pampasaherong sasakyan para maiwasang mahuli, ayon sa I-ACT.
“‘Pag alam nilang nandiyan na si I-ACT, ginagawa nila pinuputol nila ‘yong biyahe kaya ang masakit dito ‘yung mga kababayan natin naglalakad,” ani I-ACT communications head Elmer Argaño.