DAAN-DAANG residente sa paligid ng Mount Mayon ang lumikas nitong Linggo ng umaga makaraan itaas ang alert level 3 sa nasabing bulkan bunsod ng posibleng magmatic eruption.
Sinabi ni Chief Inspector Arthur Gomez, spokesperson ng Albay Provincial Police Office, mahigit 2,000 katao ang lumikas at pansamantalang nanuluyan sa tatlong elementary schools dakong 4:00 am kahapon.
Ayon kay Gomez, kabuang 475 pamilya o 1,576 katao ang nananatili sa Guinobatan Elementary Central School sa nasabing bayan.
Habang kabuuang 84 pamilya o 297 katao ang inilikas sa Cabangan Elementary School, at 91 pamilya o 362 katao ang dinala sa Anoling Elementary School sa bayan ng Camalig.
Iniutos ng provincial government ang preemptive evacuation sa mga residenteng naninirahan malapit sa Mount Mayon kasunod ng naganap na phreatic explosion nitong Sabado ng hapon.
Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert level sa 3, na ang ibig sabihin ay may posibilidad ng “hazardous magmatic eruptions.”
Sinabi ng PHIVOLCS, ang phreatic explosion nitong Sabado ay nagsimula dakong 4:21 pm at tumagal nang isang oras at 47 minuto.
Ayon sa PHIVOLCS, “Mayon’s current unrest is probably of magmatic origin, which could lead to more phreatic eruptions or eventually to hazardous magmatic eruptions.”