NAWALAN ng tirahan ang 25 pamilya makaraan matupok ang 25 bahay sa Brgy. Kaligayahan sa Quezon City, nitong Sabado.
Sinabi ni FO3 Leo-nathan Tumbaga, arson investigator ng Quezon City Fire Department, dakong 5:05 pm nang magsimula ang apoy at agad itinaas sa unang alarma.
Dahil dikit-dikit ang mga bahay at karamihan ay gawa sa kahoy at yero, agad nilamon ng apoy ang mga katabing bahay at umakyat sa ikalawang alarma bago tuluyang naapula bandang 7:00 ng gabi.
Ayon sa ulat, nagsimula ang apoy sa kusina ng bahay ng isang Marita Ranque bagama’t inaalam pa kung ano mismo ang naging sanhi ng sunog.
Tinayang P150,000 ang halaga ng nasunog na mga ari-arian.
Pansamantalang nanuluyan sa covered court ng barangay ang mga apektadong pamilya.