MASAYA si Vice Ganda na sa pagsisimula pa lang ng kanilang reality show na Pilipinas Got Talent ay humataw agad ito sa ratings. “Mula po sa lahat ng bumubuo ng Pilipinas Got Talent ay nais po naming magpasalamat sa inyong lahat dahil sinamahan n’yo kami sa unang linggo pa lang ng pagpapalabas namin ng Pilipinas Got Talent. At maganda po ang feedback at reception… at maganda ang mga salitang nanggagaling sa inyo sa magandang karanasan ninyo sa pagpapanood sa amin.
“Maraming salamat at ini-enjoy ninyo at simula pa lamang po iyon. Maraming-marami pang kaabang-abang na kaganapan sa programang ito. Maraming nakaaaliw, nakamamangha at nakatatawang pangyayari dito kaya tutukan n’yo lang po, salamat po sa inyo,” pahayag ni Vice.
Sa panimula kasi ng PGT ay tinutukan agad ng suking manonood ang pagbabalik ng judges na sina Vice Ganda, Angel Locsin, Robin Padilla, and Mr. Freddie ‘FMG’ Garcia, at ang mga host nitong sina Billy Crawford at Toni Gonzaga.
Nagpakitang-gilas nga agad ang PGT sa simula ng Season 6 nito nang pakainin ng alikabok ang katapat na show na Pepito Manaloto na nakakuha lang ng 18.7% kompara sa 36.8% ng PGT.
Pagdating ng Sunday episode ng PGT ay iwinasiwas na nito nang todo ang katapat dahil nakakuha ng 40.8% kontra sa Daig Kayo ng Lola Ko na 14.5% lamang, ito’y base sa Kantar Media.
Expected mo na ba ang mataas na ratings ninyo? Esplika ni Vice, “Iyong ratings kasi hindi mo naman namamalayan kung ano ‘yung bigayan ng ratings. Minsan mababa, minsan mataas, pero ang sigurado kami ay maganda ‘yung programa namin. Kung ‘yung digits, hindi namin alam, hindi kami sigurado, kung ano ‘yung digits na lalabas. Pero ang sigurado kami ay kaabang-abang lagi ang PGT.”
Ano’ng reaction mo na maraming tao ang nae-excite na mapanood ka uli bilang judge? “Kasi ano e, once a year ko na lang ito ginagawa. Unlike before, noong sa Showtime, araw araw nagja-judge ako noong first three seasons ng Showtime. Kaya nae-excite siguro sila ulit na marinig ‘yung mga kataklesahan ko, ‘yung kaderetsohan ng mga talak ko, ng mga tsika ko… kaya masaya, masayang naibigay uli sa akin ‘tong assignment na ‘to. Kasi, ang laking programa nitong PGT at ‘yung maging part ka nito, nakapa-flatter.”
Anong hinahanap niya para mapindot ang golden buzzer? “Hindi ko alam kung ano ‘yung hinahanap ko talaga e, ‘yung specific na inire-require ko, depende siguro. I will just wait for the moment na talagang naapektohan ako ng napanood ko, ta’s tsaka ko talaga pipindutin ‘yung golden buzzer,” saad ni Vice.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio