MULING ilulunsad ng Philippine National Police ang house-to-house anti-drug operation “Oplan Tokhang” ngayong Enero, pahayag ni Director General Ronald dela Rosa, nitong Biyernes.
Sa ambush interview, sinabi ni Dela Rosa, nagbigay na siya ng go signal sa police commanders para sa pagbuhay sa nasabing programa sa Lunes.
Tiniyak ng PNP chief sa publiko, ang “true spirit” ng Oplan Tokhang, ang pagkatok at pakiusap sa drug suspek na sumuko, ay ipatutupad sa muling paglulunsad nito. Ang pagbuhay sa Tokhang ay makaraan iutos ang pagbabalik sa pulisya sa frontline sa war on drugs ng administrasyon.
Nitong nakaraang taon, inalis sa PNP ang kapangyarihan na mamuno sa anti-drug campaign at ipinasa sa PDEA, ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang nasabing direktiba ay makaraan humarap ang PNP sa mga kritisismo dahil sa umano’y pang-aabuso at mga pagpatay sa drug war, kabilang ang kontrobersiyal na pagkamatay ng ilang kabataan.