INIHAYAG ng Public Attorney’s Office nitong Biyernes, nakatakda na nilang ihain ang kasong kriminal at administratibo laban sa mga nag-aproba sa paggamit ng dengue vaccine, makaraan ang pagkamatay ng pitong kabataan nang maturukan ng nasabing gamot.
Ang pitong biktima ay nabatid na pawang nakaranas ng pagdurugo sa kanilang utak, puso at baga bago sila binawian ng buhay, sa loob ng 10-11 araw makaraan ang Dengvaxia vaccination, ayon kay Public Attorney’s Office forensics laboratory director Erwin Erfe.
Iniutos ng gobyerno ang pag-pullout sa Dengvaxia makaraan aminin ng manufacturer nito, ang French firm Sanofi Pasteur, na maaaring magdulot ang bakuna ng matinding sintomas kapag itinurok sa mga hindi pa dinadapuan ng dengue.
“May separate na criminal acts at may administrative case,” ayon kay PAO chief Persida Acosta.
Ang mga doktor na sangkot ay maaaring bawian ng lisensiya ng Professional Regulation Commission, ayon kay Acosta.
Gayonman, hindi tinukoy ni Acosta ang pangalan ng mga nakatakdang kasuhan.
Sinuspende ng gobyerno ang dengue vaccination program, ngunit ang gamot ay naibigay na sa tinatayang 800,000 public school children.
Ang Department of Health noong nakaraang administrasyon, ay bumili ng P3 bilyong halaga ng Dengvaxia sa kabila ng kritisismo na hindi pa masusing nasusubukan ang nasabing gamot.