NAGPAHAYAG ng pagkadesmaya si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino hinggil sa umano’y pagpasok ng “new players” sa illegal drug trade.
Ito ay kasunod ng drug-bust sa isang condominium unit sa Mandaluyong City, na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek, isiniwalat na ang suppliers ng illegal drugs ay mula sa New Bilibid Prison.
“Marami pong new players. Imbes nababawasan, lalong lumalaki,” ayon kay Aquino.
Ayon sa PDEA chief, sa nasabing drug bust, panglima ang naarestong suspek na nagsabing ang kanilang drug suppliers ay mula sa national penitentiary.
“And nobody knows who are these people. Hindi namin kilala. ‘Yun nga ‘yung nakaka-frustrate. Sabi ko nga kahit magkandakuba ‘yung mga pulis natin at mga ahente natin sa PDEA para ‘anohin’ ang isang barangay, kung tone-tonelada naman ‘yung pumapasok useless e,” himutok ni Aquino.
Sinabi ni Aquino, ang posibleng solusyon sa probema ay maaaring pag-overhaul sa sistema sa loob ng national penitentiary.
“Hindi ko alam e. Ang nakikita ko lang solusyon is wasakin ang buong NBP. Ilipat ‘yan sa isang ideal facility,” aniya.
Ang pahayag ni Aquino ay sa gitna ng napi-pintong pagbabalik ng PNP sa kampanyang “Tokhang” ng gobyerno laban sa ilegal na droga.