MAGANDA ang kombinasyon nina Ms. Sylvia Sanchez at Sofia Andres bilang mag-nanay sa pelikulang Mama’s Girl ng Regal Entertainment. Nabanggit ng premyadong veteran actress kung ano ang kaibahan ng role niya rito bilang ina kompara sa TV series na natoka sa kanya.
“Groovy ito e at saka sexy. Lume-level up, hind iyong mahirap (na nanay). Pero strong mom siya, na no matter what, kahit saan siya magpunta, hindi niya iiwanan hangga’t hindi okay ang anak niya,” masayang esplika ni Ms. Sylvia.
Nabanggit ng aktres kung ano’ng klaseng nanay siya sa pelikulang ito. “At least iyong pagiging nanay ko, hindi lang basta nanay, kundi nanay na nagbibigay ng aral hindi lang sa mga anak, kundi sa mga nanay mismo
“Walang hangganan ang pagmamahal ng isang ina, walang limitations iyan e, lahat, hanggang sa huling hininga mo, nanay ka, hindi ka puwedeng mag-resign as nanay.”
Ano ang masasabi niya kay Sofia bilang anak sa pelikulang ito?
Nakangiting saad niya, “Honestly noong una, tinitingnan ko lang siya. Kasi kapag hindi mo talaga siya kilala, iisipin mo na, ‘Ay supladita, ay maldita.’
“Pero sa akin kasi, huwag mong i-judge ang isang tao, huwag kang basta-basta maniniwala sa sinasabi ng ibang tao hangga’t hindi mo totally nakikilala ang taong iyon. And I thank God at nakilala ko si Sofia. Adopted na rin siya ng Atayde family ngayon, in fact ay nagpunta kami sa Cebu, kasama ng pamilya ko. So iyon, naging open siya sa akin sa problema niya, lahat… humihingi siya ng advice and isa lang ang masasabi ko, mabait siyang bata.”
Ano naman ang masasabi ni Sofia kay Sylvia bilang co-actor?
Esplika ng magandang Kapamilya actress, “Honestly po noong una medyo na-intimidate ako, pero noong nag-work na po kami ng first day, sobrang gaan ng loob ko kay tita. Kasi, talagang parang nanay ‘yung dating niya talaga, magaan.
“Saka hindi ako nahirapang mag-connect kay tita Sylvia, siya po kasi ‘yung umaalalay sa akin.”
After this ay nabanggit ni Ms. Sylvia ang unang encounter nila ni Sofia.
“Mayroon akong ikukuwento, ito talagang hiyang-hiya ako kay Sofia, pero bumawi talaga ako sa kanya. Kasi noong first day kaming nagkita ay story con, tapos ay pictorial.
“First time kong nakita si Sofia, first time ko siyang nakilala nang harapan. Tapos nag-pictorial na kaming dalawa na, paghawak ko sa kamay niya ay sobra siyang malamig, as in nanginginig.
“Sabi ko, ‘Bakit ka nanginginig?’ Sabi niya, “Natatakot po ako sa inyo. Sabi ko, Huwag kang matakot sa akin, mukha lang akong impaktita pero mabait akong tao. Huwag ka lang maging impakta, kasi mas impakta ako.’ Iyon ang sabi ko sa kanya, direkta.” Nakangiting saad ni Ms. Sylvia.
Dagdag pa niya, “Saka nanay mo ako rito, anak kita rito, nanay mo ako, kailangan maging close tayo sa isa’t isa, wala tayong choice.”
“So ito na ngayon, yakap-yakap kaming dalawa, tapos sabi niya sa akin, ‘Tita, marami ang nagsasabi sa akin na kamukha ko raw si Ria (Atayde)?’ Sabi ko, ‘Actually, kamukha mo si Ria, para kayong magkapatid.
“Tapos humirit ako, ‘Actually, hindi lang kayong dalawa (ang magkamukha) mayroon pa kayong isang kamukha, si Sofia Andres. Tapos ngumiti lang siya, tapos sabi ko sa kanya, ‘Kilala mo ba si Sofia Andres?’” Nakatawang esplika pa ni Ms. Sylvia. “Kasi aminado ako, mahina ako sa pangalan, mahina rin ako sa birthdays, pero iyong mukha, tandang-tanda ko lalo na kapag na-meet ko,” pahabol pa niya.
Nang umuwi raw siya ng bahay at saka niya napagtanto ang pagkakamali niya nang kausapin ang anak na si Ria. “Hindi ba si Sofia Andres ang kasama ko?’ Sabi ni Ria, ‘Mom, duh… you’re so yuck!’”
“Kaya nang nagkita kami ni Sofia, sorry ako nang sorry talaga at ‘eto kami ngayon, anak ko na talaga siya,” nakatawang saad ni Ms. Sylvia.
Mula sa pamamahala ni Direk Connie Macatuno, ang Mama’s Girl ay showing na sa January 17, 2018.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio