TATANGGAP ng kompensasyon ang mga may-ari ng mga bahay at lupa na tatamaan ng itatayong C-6 Expressway o Southeast Metro Manila Expressway, ito ang tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ginawa ng DPWH ang pagtiyak bunsod ng pangamba ng mga may-ari ng bahay at lupa na maaapektohan ng nasabing proyekto.
Isinagawa nitong Lunes ang ground breaking ceremony ng proyekto sa Taguig City.
Ayon sa ulat, sisimulan ang pagtatayo ng expressway sa second quarter ng 2018 at inaasahang matatapos sa 2020.
Ang unang bahagi ng proyekto ay magkokonekta mula FTI sa Taguig hanggang sa Batasan sa Quezon City. Ang ikalawang bahagi ay mula sa Batasan hanggang San Jose del Monte sa Bulacan.
Habang ang ikatlong bahagi ng proyekto ay magmumula sa San Jose del Monte na magkokonekta sa North Luzon Expressway.
Aabot ang proyekto sa kabuuang P 31.3 bilyon, may habang mahigit 34 kilometro mula sa Taguig City hanggang Quezon City.
Sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar, makatutulong ang proyekto na mabawasan ang mga sasakyan na dumaraan sa EDSA at C-5.
“The objective of C6 is to decongest EDSA, C5 and other major arteries of Metro Manila and Rizal by providing an alternate route from Parañaque to Quezon City by passing through developing areas of Taguig, Taytay, Antipolo, and San Mateo,” pahayag ng kalihim.