NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa transport group na huwag magpapatupad ng sarili nilang dagdag-pasahe bunsod ng tumaas na presyo ng produktong petrolyo dahil sa bagong ipinatutupad na buwis.
Ayon kay LTFRB spokesperson Aileen Lizada, sa unang paglabag ay pagmumultahin ng P5,000, sa panga-lawang paglabag ay P10,000 at kokompiskahin ang kanilang lisensiya, habang sa pangatlong paglabag ay P15,000 at kakanselahin ang kanilang prankisa.
“To all PUV (public utility vehicle) operators hindi ho kayo puwedeng magtaas ng fare on your own. Bawal ho mag-increase kung walang petition, kung walang order. Hindi puwedeng kayo-kayo lang,” pahayag ni Lizada.
Kaugnay nito, hinikayat ni Lizada ang mga pasahero na i-report sa LTFRB ang sinomang driver na ilegal na magtataas ng pasahe.
Ang ride-sharing service Grab at taxi ope-rators ay humirit ng dagdag sa pasahe bunsod ng inaasahang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel dahil sa mataas na excise taxes sa produktong petrolyo.
Sinabi ni Lizada, ikokonsidera ng ahensiya ang interes ng mga pasahero gayondin ang “viability and sustainability” ng transportation operations sa posibleng pagtataas sa pasahe.