BUKAS ang araw ng kapistahan ng Itim na Nazareno.
Sa araw na ito, muling isasabuhay ng mga debotong Katoliko ang kanilang mga panata sa pamamagitan ng pagdarasal at paglahok sa mahabang prusisyon tanda ng kanilang pagmamahal, pagpupugay at debosyon sa Itim na Poon.
Ngayong ang ika-411 taon ng Feast of the Black Nazarene. Sa temang “Pag-ibig ang Bukod na Ganap na Pagkakaisa,” inaasahang 18 milyong deboto ang dadagsa at makikilahok sa nasabing banal na prusisyon na ang tawag din ay Traslacion.
Noong nakaraang taon, batay sa tala ng Simbahang Katoliko, umabot sa 15 milyong deboto ang lumahok sa prusisyon na tumagal nang mahigit 22 oras at lumakad nang anim na kilometro.
Ang taunang pagdiriwang ng Feast of the Black Nazarene ay isang magandang pagkakataon para sa lahat lalo sa mga Katoliko dahil ito ang nagbubuklod sa kanila para magbigay pag-asa sa bawat pagsubok na kanilang sinusuong.
Pero kung minsan, ang ganitong banal na paniniwala at gawain ay ‘nabubulagbog’ ng mga taong matatawag na oportunista at mapanlamang sa kapwa.
Gaya ng mga politikong pasaway at epal na sumasabay o sumasawsaw sa piyesta ng Itim na Nazareno.
Tanging gusto ng mga epal na politiko ay makakuha ng media mileage at mapansin ng mga taong naroroon sa prusisyon para sa kanilang balaking pagtakbo sa darating na eleksiyon. Mga politikong nais tumakbo ngayong barangay election at darating na 2019 midterm elections.
Makikita ninyo ang mga epal na kasamang nakahilera ng mga tunay na deboto at nagkukunwaring nagdarasal habang dumaraan ang karo ng Itim na Nazareno. Dapat silang iwasan, pandirihan at huwag iboto.
Bantayan din ang mga tarpaulin na nakapalibot sa Quiapo at mga lugar na daraanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno. Mga tarpaulin na makikita ang mga pagmumukha ng politko na kunwari ay bumabati pero ang tanging layunin ay magpapapansin sa mga debotong dadalo sa pista.
Parang isinampay na mga labada ang makikita ninyo bukas sa mga poste, kawad ng koryente at pader. Naghambalang ang mga tarpaulin ng mga epal na politiko na mabuting tandaan at huwag iboto sa darating na halalan.
Ganito kadesperado ang mga epal na politiko. Walang paggalang sa banal na pagdiriwang ng Itim na Nazareno. Lahat ay gagawin manalo lang sa halalang darating. Huwag nating iboboto ang mga ganyang politiko.
Sabi nga, mabuting ipako sila sa krus!