PINUGUTAN ang mag-asawang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group sa liblib na barangay ng Sumisip, Basilan, nitong Huwebes.
Sinabi ni Senior Inspector Ian Sanchez, hepe ng Sumisip Police, ang mga bangkay ay natagpuan ni Ibrahim Wahab, miyembro ng Special Civilian Active Auxiliary (SCAA), nitong Huwebes ng hapon.
Aniya, nakarinig siya ng limang putok ng baril mula sa northwest na bahagi ng Brgy. Mahatalang. Nang puntahan niya ang pinangyarihan ng mga putok, natagpuan niya ang pinugutang isang babae sa Sitio Daingan.
Makaraan ang dalawang oras, isang lalaking pinugutan ang natagpuan sa kaparehong erya malapit sa Ismael Elementery School.
Kalaunan, nakompirma ng local authorities na ang mga bangkay ay mag-asawang Kutih mula sa Isabela City, Basilan.
Sinabi ni Basilan Governor Jim Salimman, nakatanggap siya ng impormasyon na ang biktimang lalaking si Abdurahim ay kapatid ng isang miyembro ng Abu Sayyaf.
Hindi pa malinaw kung bakit pinatay ng mga bandido ang kaanak ng isa nilang miyembro.
Ayon kay Salimman, ang grupo ni Abu Sayyaf sub-commander Radzmil Jannatul ang nasa likod ng pamumugot sa mga biktima. Aniya, ang erya ay kilalang balwarte ng Abu Sayyaf.