Saturday , November 16 2024

OVP pasado sa ISO standards (Matapos ang matagumpay na taon)

SA pagtatapos ng isang matagumpay na taon, aprobado sa global standards ang Office of the Vice President, na nakapasa sa International Organization for Standardization (ISO) kamakailan.

Sa pangunguna ni Vice President Leni Robredo, nakuha ng OVP ang ISO 9001:2015 certification, ang pinakabagong pamantayan para sa Quality Management System, na nagpapanatili ng kalidad ng serbisyo o produkto ng isang organisasyon.

Isa na ngayon ang OVP sa iilang mga national government agencies na nakapasa para sa latest standards na ito.

Ang ISO, na nakabase sa Geneva, Switzerland, ay nagtatakda ng mga batayang kinikilala sa buong mundo, para mas mapaayos ang mga ahensiya, opisina, at organisasyon.

Kasama sa mga nabigyan ng sertipikasyon ng ISO sa Filipinas ang SM Malls, mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Department of Budget and Management (DBM), at mga paaralan gaya ng Centro Escolar University at ilang bahagi ng University of the Philippines system.

Ayon sa Bise Presidente, nag-apply ang OVP ng sertipikasyon para maisaayos ang sistema ng opisina, at masigurong mas epektibong makapaglilingkod sa publiko.

Ang ISO certification —pormal na ibinigay nitong Huwebes — ay isa sa mga itinuturing na tagumpay sa 2017 ng opisina ni Robredo, na nagtakda na dapat ituon ng OVP ang pansin hindi lamang sa seremonyal na gawain, kundi lalo sa mga matagal nang adbokasiya ng Pangalawang Pangulo.

“Exclamation point ito sa napakagandang taon para sa amin,” ani Robredo. “Pero again, sa susunod na taon, may bagong aspiration, at itong aspiration na ito, lalo pang paigtingin, lalong paghusayin, iyong serbisyo, at lalong palawakin kung ano iyong ginagawa namin ngayon.”

Dahil sa pagnanais na mas makatulong sa mahihirap na kababayan, inilunsad ng OVP ang programang Angat Buhay, na nakapagpaabot noong nakaraang taon ng P145-milyon halaga ng tulong sa 83,807 pamilya, sa pakikiisa ng pribadong sektor.

Ang Angat Buhay ay kasalukuyang tumutulong sa higit 170 komunidad sa buong bansa. Sa pagdiriwang ng unang taon nito, pinalawig ng OVP ang pagtulong sa pamamagitan ng paglulunsad ng Angat Kabuhayan, isang kaakibat na programang nais tumutok sa pagbibigay ng job and livelihood opportunities sa mga nangangailangang komunidad.

Bilang pagtupad sa pangakong binitiwan noong nanumpa sa puwesto, patuloy na nag-ikot si Robredo sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas — mula sa malalayong probinsiya hanggang sa mahihirap na bahagi ng Metro Manila, na nagdadala ng iba’t ibang serbisyo ang OVP sa ilalim ng kanilang Metro Laylayan program.

Naipakilala rin ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang pag-iikot sa bansa ang programang “Istorya ng Pag-asa” na naglalayong magbahagi ng kuwento ng mga ordinaryong Filipino na magsisilbing inspirasyon sa nakararami.

Mula sa isang travelling photo gallery, ang INP ay mayroong film festival na bukas para sa publiko, maging sa mga first-time filmmakers.

Sa gitna ng lahat nito, patuloy na tinatamasa ni Robredo ang tiwala at suporta ng nakararami, na nakita sa kaniyang pagtaas sa surveys nitong taon.

“Ito kasing surveys, ito iyong pulso ng ating mga kababayan, kaya lagi tayong nakikinig kung ano iyong ginagawa natin na parang ina-affirm ng ating mga kababayan. Kaya iyong latest survey, masaya tayo na patuloy na umaakyat,” wika ng Bise Presidente.

“Consistently, ngayong taon, umaakyat tayo, kaya iyong sinasabi naman natin sa staff natin, kung ano iyong ginagawang tama, talagang patuloy na gagawin at paghuhusayan pa.”

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *