PINABULAANAN ni Pasay Social Welfare Department (PSWD) chief Rosalinda Orobia na expired ang ipinamahaging jamon de bola sa gift giving program ng ahensiya para sa 3,000 street children at kanilang pamilya sa Pasay City nitong nakaraang linggo.
Kabilang sa ipinamigay sa mga bata ang Top Meat Premium Ham, tetra juice, mansanas, bagong damit at iba pa.
Ayon kay Orobia, nabahiran ito ng pamomolitika sa lungsod at ang nasa likod ng paninira ay sinasabing mula sa matunog na kalaban sa politika ni incumbent Mayor Antonino Calixto.
Isang bata na may edad isang taon at kalahati ang umano’y nagtatae dahil nakakain ng expired na jamon de bola mula sa PSWD nitong Sabado.
Makaraan makarating sa kaalaman ni Orobia ang insidente, agad niyang kinontak ang kanyang nakatalagag social worker sa lugar at pinabantayan ang kondisyon ng bata hanggang madala sa Pasay City General Hospital.
Sa resulta ng stool examination ng paslit, negatibo ang resulta na sa jamon nakuha ang pagtatae ng bata kundi sa tubig.
“Inalok ko ang pamilya ng bata na madala sa St. Luke’s Hospital o San Juan De Dios Hospital ngunit tumanggi sila hanggang sa mapapayag na maisugod sa PCGH ang paslit,” ani Orobia.
Inalis ni Orobia ang pangamba ng mga nakatanggap ng jamon de bola na gawa ng Alpha Alleanza Manufacturing Inc., na may tanggapan sa 88 Iglesia Ni Cristo St., Sta. Rosa 2, Marilao, Bulacan, at tiniyak niyang ligtas kainin ang naturang pagkain dahil ang expiration ay sa 31 Enero 2020 pa. (JAJA GARCIA)