POSIBLENG maging ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area na tatawaging Vinta, at maaaring tumama sa Pasko.
Patuloy itong sinusubaybayan ng ahensiya dahil inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong linggo.
Ayon sa PAGASA, mataas pa rin ang tsansang lalakas ito dahil nananatili pa sa dagat.
Sa forecast ng PAGASA, posible itong pumasok ng PAR sa weekend at tatama sa Mindanao o Eastern Visayas sa araw ng Pasko.
Ngunit sa forecast track ng The Weather Company, papasok ito ng PAR sa Miyerkoles at tatama sa Mindanao sa Biyernes, 22 Disyembre.
Inaabisohan ang mga taga-Metro Manila na paghandaan ang malamig at maulan na panahon dahil sa amihan.
Nauna rito, anim beses bumagsak ang bagyong Urduja nang lumakas mula sa pagiging isang low pressure area (LPA) nitong Martes, 12 Disyembre.
Bunsod nang sobrang pagbagal ng kilos ng bagyo, ilang araw itong nanatili sa bansa kaya maraming lugar ang lumubog sa baha.
Inaasahang mababawasan na ang pag-ulan sa mga darating na araw sa mga lugar na binayo ng bagyong Urduja tulad ng Samar, Leyte, at Biliran.
Gayonman, may tsansa pa rin ng panaka-nakang pag-ulan.
Magiging maulan sa Palawan na nakataas ang storm warning signal No. 1 sa inilabas na 5:00 pm bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes.