MAHIGPIT na ipinagbabawal ng lungsod ng Makati ang mag-angkas sa harap at likod ng motorsiklo at tricycle ng mga menor de edad sa kabila ng kasalukuyang ipinaiiral ng Department of Transportation (DOTr) na ganitong uri ng batas trapiko.
Base sa aprobadong Ordinance No. 2017-135, mahigpit na ipinatutupad sa siyudad ang “Children’s Safety in Tricycles and Motorcycles Ordinance.”
Nakasaad sa ordinansa, na papayagan mag-angkas ng menor de edad kapag sumunod sa ilang kondisiyon tulad ng dapat ang paa ng bata ay komportableng nasa foot peg ng motorsiklo, nakayakap ang angkas na bata sa baywang ng driver at dapat nakasuot ng standard protective helmet ang bata base sa nakasaad sa Philippine Standard (PS) o Import Commodity Clearance (ICC).
Hindi lamang sa major thoroughfare ito ipinagbabawal, maging sa mga kalsada at eskinita ay bawal mag-angkas ng menor de edad sa motorsiklo.
Papatawan sa unang paglabag ng multang P2,000; P3,000 multa sa ikalawang paglabag, at P5,000 multa at pagkakakulong nang maximum sa anim buwan sa ikatlong paglabag.
Ipinaiiral sa kasalukuyan ng DOTr ang naturang batas trapiko sa buong bansa ngunit hindi ito sinusunod at maraming motorista ang lumalabag.
(JAJA GARCIA)