UMABOT sa 31 ang patay habang 49 ang nawawala sa mga eryang hinagupit ng bagyong Urduja, ayon sa ulat ng Malacañang, nitong Lunes ng hapon.
Inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque, Jr. ang update sa news conference sa Naval State University bago ang pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Biliran para sa situational briefing.
Sa 31 bilang ng mga namatay, lima rito ang mula sa Leyte, isa ang mula sa Eastern Samar, dalawa ang mula sa Samar at 23 ang mula sa Biliran.
Sa 49 missing, ang dalawa rito ay mula sa Romblon, tatlo mula sa Leyte, 11 mula sa Eastern Samar, at 33 ang mula sa Biliran.
“This is as of one hour ago, 1:40 [p.m.]. The figures are mostly culled from the figures provided from the DILG [Department of the Interior and Local Government] as amended by the local government of Biliran, the province of Biliran,” ayon kay Roque.
Sa 8:00 am update sa epekto ng bagyong Urduja, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kabuuang bilang ng 248,790 katao sa Bicol, Eastern Visayas, Western Visayas, Central Visayas at Caraga na pawang apektado ng bagyo.
Sinabi ng NDRRMC, mula sa nasabing bilang, kabuuang 112,637 katao ang nawalan ng tirahan o nananatili sa evacuation centers o sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Samantala, karamihan sa mga nawalan ng tirahan ay mula sa Easter Samar, sa bilang na 49,833 katao na pawang nasa evacution centers.
Ang tinatayang halaga ng pinsala ni Urduja ay umaabot sa P327.2 milyon.
9,775 KATAO
STRANDED
KAY URDUJA
NAKAPAGTALA ang Philippine Coast Guard (PCG) nang halos 10,000 kataong stranded sa mga pantalan sa bansa hanggang 4:00 ng madaling-araw kahapon, bunsod ng epekto ng bagyong Urduja.
Ayon sa PCG, nakapagtala ng 9,775 stranded passengers, 88 stranded vessels, 913 rolling cargoes, at 20 moto-rized bancas.
Bumagsak ang bagyong Urduja sa Taytay, Palawan nitong Lunes ng umaga, makaraan ibaba ito mula sa tropical storm patungo sa tropical depression nitong Linggo.
Inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si Urduja sa Martes ng umaga hanggang hapon.