BUMISITA si Vice President Leni Robredo sa mga batang pasyente ng Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City nitong Linggo, para sa isang maagang pagdiriwang ng Pasko.
Kasama ni Robredo na dumalaw sa Pediatrics ward ng nasabing ospital ang anak na si Tricia, isang medical student at executive director ng Jesse M. Robredo Foundation (JMRF).
Sa pagbisitang ito, nakasalamuha ng Pangalawang Pangulo at ng kaniyang anak ang mga batang kasalukuyang ginagamot na apektado ng dengue, pneumonia, abscess, heart diseases, at tuberculosis, maging ang mga pamilyang nag-aalaga sa kanila.
Ang JMRF ang nag-ayos ng simpleng pamaskong handog sa pakikipagtulungan ng Kythe Foundation, isang organisasyong tumutulong sa mga batang may cancer at iba pang chronic illnesses.
Kabilang sa mga regalong natanggap ng mga bata ang towels, mga librong pambata, pagkain, at mga laruan, na donasyon ng ilang partner-organizations.