PAGKATAPOS makaram dam ng nerbiyos ni Coco Martin habang pinanonood ang Ang Panday sa isang special screening noong Huwebes sa Cinema 4 ng Trinoma, napawi naman agad iyon ng kasiyahan dahil natuwa ang mga kasamahang actor na sina Sen. Lito Lapid at Jake Cuenca sa napanood nila.
Ayon kay Coco, hindi niya matantya kung magugustuhan ng viewers at co-actors niya ang idinireheng pelikula. Pero nang magpalakpakan sa simula pa lang ng pelikula, napawi agad iyon. Nakampante pa siya nang nakita niyang ngumiti at natuwa kapwa sina Lapid at Cuenca.
“Sabi ko nga, para mapabilib sina Senator Lito Lapid at Jake sa mga eksena namin, masaya ako roon, ninerbiyos ako,” anang Primetime King pagkatapos ng screening.
Samantala, aminado si Coco na may pagka-sadista siya sa pagdidirehe. Meaning, kung ano ang mahirap, ‘yun ang gusto niyang gawin. Ito ay ukol sa ilang eksena sa Ang Panday na mismong si Sen. Lapid ang nagsabi sa kanya ng, ‘bakit ba ang hilig mong pahirapan ang sarili mo? Ginagawa mong komplikado.’
Ang tinutukoy ng senador ay ang eksena nila sa bundok na nagsasanay ang aktor ng balaraw o espada na kitang-kita ang buong Taal, Batangas.
Gusto sana kasi ni Coco na sa Batanes nila kunan iyon dahil nais niyang maipakita ang mga bundok at tubig habang nag-eensayo. Subalit dahil sa kakapusan ng oras, hindi na nila nagawa iyon.Sa Taal, Batangas na nila kinunan na lumabas din naman ang hinahanap niya, ang magandang bundok at tubig. Magkasabay kasi niyang ginagawa ang FPJ’s Ang Probinsyanoat Ang Panday.
“Ayaw kong maramdaman ng manonood na parang sa Tagaytay lang,” paliwanag ng actor.
At sa isang eksena naman na magda-dive si Coco sa isang talon ay sa Tanay, Rizal kinunan.
Dalawa sa maraming eksena ang pinaka-nagustuhan namin. Ang isa ay iyong tila Lord of the Rings na nag-set-up sila ng Hobbit House para sa mga duwende. Ang galing-galing na ayon kay Coco, magagaling talaga ang mga production design niya.
Dahil diyan, gusto kong palakpakan ang bumubo ng kanyang DOP (director of photography), production design, assistant director, at EP niya talaga namang Malaki rin ang naitulong sa actor. Aminado rin naman ditto si Coco kaya naman puring-puri rin siya sa mga ito.
Ang isa pa sa magandang eksena ay iyong fight scene nila ni Jake na tatlong araw kinunan at mapapa-wow! ka talaga sa ganda. Napag-alaman naming sa Vietnam pa iyon ginawa.
Ani Coco, hindi na kinayang gawin iyon dito (special effects) sa ‘Pinas kaya dinala sa Vietnam.
“Napakataas ng expectation ng tao sa ‘Panday’ lalong-lalo na pagdating sa effects, ayaw kong tipirin kaya ‘yung iba ginawa rito sa Pilipinas, ‘yung dulo ipinadala pa namin sa Vietnam para roon gawin,” lahad pa ni Coco.
Magastos ang pelikula pero hindi iyon ang tiningnan ni Coco dahil mas gusto niyang bigyan ng may kalidad na pelikula ang Pinoy.
“Gusto ko magustuhan ng mga tao itong ‘Ang Panday’. Masaya na ako roon,” sambit ni Coco pero hindi itinagong magiging dagdag kasiyahan sa kanya kapag marami ang nakapanood at maging number one sila sa takilya.
COCO NAGLIBOT
SA MGA PALENGKE;
NAG-MOTORCADE
SA KAMAYNILAAN
MAAGANG nagpasalamat si Coco Martin noong Sabado dahil tinungo niya ang Nepa Q Mart, Balintawak, at Munoz market.
Wala pang tulog si Coco noong Sabado ng umaga (galing sa taping ng FPJ’s Ang Probinsyano) pero sige siya sa pagkaway, pagkamay, pakiki-selfie, at pagbibigay ng Ang Panday merchandise sa mga taong sumalubong sa kanya.
Nais ni Coco na maihatid niya ang Pamaskong handog niya, ang Ang Panday,isa sa entry ng Metro Manila Film Festival na mapapanood na simula Disyembre 25 handog ng CCM Productions, Star Cinema, at Viva Films.
Mainit na sinalubong ng mga taong nasa Nepa Q Mart, Balintawak, at Munoz Market si Coco na halos hindi mahulugang karayom dahil grabe ang init ng pagtanggap ng mga tao roon. Tila nakakikilabot ang kanilang nakikita dahil parang si FPJ si Coco.
Pagdating ng hapon, nagtungo naman siya ng Solenad Nuvali na naghandog si Coco at mga kasamahan niyang artista sa Ang Panday tulad nina Jake, Awra, McLisse at iba pa ng napakagandang show. Muli, maraming tao ang nanood.
Kinaumagahan, Linggo, muling umarangkada si Coco at mga kasamahan para sa isang motorcade. Tinungo nila ang mga lugar sa Maynila tulad ng Binondo, Divisoria, Baclaran, at iba pa.
Nakita namin kung gaano karami ang taong sumaksi sa motorcade at palengke tour ni Coco. Napuno ang mga overpass, hagdanan tungo sa LRT, at mga kalye na nagkakatrapik-trapik dahil sa kagustuhang makamayan at makausap ang actor.
Nagtungo rin kahapon ang Ang Panday cast para sa kanilang nationwide tour sa VistaMall Taguig, SM Bicutan, at StarMall Alabang.
JOHN FONTANILLA
A.K.A. JANNA CHU CHU
NG DZBB AT BARANGGAY
LSFM, TUMANGGAP
NG PAGKILALA
BINABATI namin si John Fontanilla, isa sa entertainment columnist ng Hataw sa natanggap na karangalan, ang Outstanding Anchor/DJ/Columnist sa katatapos na 37th Top Choice Consumers Award.
Bukod sa pagiging kolumnista ni Fontanilla, isa rin siyang anchor sa DzBB 594 at DJ sa Brgy LS 97.1. Kilala si Fontanilla bilang Janna Chu Chu sa mundo ng radio.
Kasabay na tumanggap ng award ni Janna Chu Chu si Ms Universe 4th runner-up Venus Raj, versatile singer Darren Espanto,Ivory recording artist Rayantha Leigh, Japanese singer Aisaku, promising Boy Group Clique 5, Most Promising Girl GroupBella, Promising Dance Group Hype Beat, Ppop Prince of Dance Klinton Start, Ballet Dance Group Shirley Halili Cruz Ballet,Hot Girls, Esang de Torres, at si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa natanggap na pagkilala kay John a.k.a. Janna Chu Chu, pinasasalamatan niya ang mga Big Boss ng DzBB tulad nina Mike Enriquez, Glen Allona, Norilyn Temblor samantalang sa Barangay LS 97.1 naman ay sina Dennis Gutierrez at ang yumaong Mastershowan na si German “Kuya Germs” Moreno na siyang dahilan kung bakit siya anchor sa DzBB.
Mula rito sa iyong pamilya sa Hataw, binabati ka naming at mabuhay ka John!
BAGONG TROPEO
NG MMFF, IPINAKITA
IPINASILIP noong Sabado ng hapon ang bagong disenyo ng tropeo na gawa sa kahoy ang Metro Manila Film Festival para sa kanilang ika-43 edisyon ngayong taon.
Ang bagong disenyo ay ipinakita sa ginanap na MMFF Christmas Party ni art designer Clifford Espinosa, chief designer ng Espinosa Arts and Design (EADE).
“Kung mapapansin niyo ang clapperboard tapos nagiging megaphone, ang media po kasi ng film is light and sound. So, nagiging waves po iyan as they travel in space. At the same time, gawa po ito sa lumang kahoy, wala pong bagong kahoy na ginamit dahil may advocacy kami ng manual demonstration,” paliwag ni Espinosa ukol sa bagong tropeo.
Ang patong-patong na kahoy naman ay simbolo ng betamax at tapes. ”Itong tatlong butas naman po, ito ‘yung three major components ng filmmaking—’yung story, ‘yung tao, at saka technology.
“Yun namang dalawang kulay ng kahoy, mayroong light brown at dark brown. Ito ‘yung saya at lungkot ng pelikulang Filipino,” giit pa ni Espinosa.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio