INIUTOS ni Philippine National Police chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang pag-monitor sa kondisyon ng 14,000 pulis na tinurukan ng dengue vaccine Dengvaxia.
“To those unfortunately vaccinated by this, I am giving instructions to Dr. [Edward] Carranza, director of Health Service, to monitor everything…kawawa naman kung may mangyari,” pahayag ni Dela Rosa makaraan bisitahin ang mga sugatang pulis sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Ang utos ni Dela Rosa ay makaraan ihayag ni Dr. Reimond Sales, PNP General Hospital chief, na 14,000 pulis ang unang batch na tinurukan ng Dengvaxia simula noong Setyembre habang ang pangalawang batch ay isinagawa habang ginugunita ang ika-24 anibersaryo ng PNP Health Service noong 21 Nobyembre.
“Actually yesterday, nagkaroon kami ng dialogue with PCMC (Philippine Children’s Medical Center), saka all Crame-based personnel na nabakunahan, natanong naman nila lahat ng questions nila and they were given assurances na wala masyadong magiging problema,” ayon kay Sales.
Sinabi ni Sales, wala pang ulat na may namatay at ang mga nabakunahan ay maayos ang kondisyon ng kalusugan.
Dagdag niya, “hands off” sila sa pagbakuna at ito ay programa ng Department of Health (DOH).
“It was their (DOH) program, hands off kaming lahat, not tossing of hands pero pati ‘yung actual vaccination sa pas-yente hindi kami pinakialaman ng PCMC. Sila talaga lahat,” aniya.