MUKHANG delikado ang lagay nitong si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, kung ang pagbabatayan ay mga testimonya na binitiwan ng kanyang mga kasamahan sa Korte Suprema.
Bukod kay Associate Justice Teresita de Castro, mainit din ang mga pahayag na binitiwan nina Associate Justice Jardeleza at Noel Tijam nitong Lunes, na sinamahan pa ng testimonya ng retiradong mahistrado na si Arturo Brion. Masasakit at mabibigat ang mga akusasyong inilatag ng mga mahistrado sa kanilang pinuno, bagama’t mariin namang itinanggi ng kampo ni Sereno.
Ang masakit nito ay tatlo pang associate justices ang nagbabalak na magtestimonya sa house committee on justice hindi para bigyang suporta si Sereno kundi para rin tumestigo laban sa Punong Mahistrado.
Kapag nagkataon nga na matuloy ang tatlong mahistrado na tumestigo laban kay Sereno, ano na lamang ang ibig sabihin niya? Maging ang mga kasamahan niya ay hindi na rin kampante sa kanyang liderato.
Ang mga testimonyang ito ng kanyang mga kasamahan sa Korte Suprema ay kahulugan ng “vote of no confidence” sa kanya. At lalong nagbibigay linaw na tila hindi na siya nababagay mamuno rito.
Bugbog-sarado na si Sereno sa kanyang mga kasamahan at sa grupong nais siyang mapatalsik.
Makabubuting tumindig si Sereno at labanan nang harapan ang mga nag-aakusa sa kanya. Huwag puro mga tagapagsalita at abogado niya ang kanyang pinagsasalita at sumasalo sa mga bombang ibinabagsak laban sa kanya.