MAKARAAN ang maraming administrasyon, pangungunahan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang inagurasyon ng kauna-unahang sports complex sa siyudad.
Si Malapitan ay sasamahan ng iba pang mga opisyal ng lungsod, mga department head, empleyado, bisita, mag-aaral, at mga delegado mula sa sister-city Dong-Gu, Incheon, South Korea.
Ang sports complex ay binubuo ng dalawang covered basketball courts na may digital scoreboards, bleachers, ticketing office, mga locker room, movable floorings.
Magtatagpuan din sa complex ang isang semi-Olympic size, na may anim na lane swimming pool; 12 gazebos, open basketball at badminton court; at jogging path.
Ang sports compound ay may sapat na parking space para sa mga manlalaro, mga mahilig sa sports, paradahan para sa mga bus, kotse, motorsiklo at probisyon para sa mga PWD.
Ang sports complex ay may kabuuang 16,773-sqm lot na matatagpuan sa Bagumbong. Ito ay limang kilometro hilagang-silangan ng Novaliches at 10 km sa hilaga ng SM Fairview.
Ayon kay Malapitan, matagal na niyang pangarap na magkaroon ng sports complex sa Caloocan. “Ang pangarap ay isa na ngayong katotohanan. Ang sports complex na ito ay magsisilbing lugar ng pagsasanay para sa ating mga lokal na atleta at isang venue para sa iba’t ibang kompetisyon sa sports.”
Sa isang Thanksgiving Mass magsisimula ang inagurasyon na susundan ng ceremonial ribbon cutting.
Sa 10 Disyembre, dakong 10:00 am, isang laro ng basketball ng Caloocan Supremos at mga celebrity basketball player ang gaganapin. Susundan ng isang laban sa pagitan ng NLEX Road Warriors at Elite Blackwater.
Sa Disyembre 10 sa ganap na 6:00 pm, gaganapin ang isang libreng konsiyerto na tatampukan ng Parokya ni Edgar. Ang mga manonood ay hinihiling na dumating nang 2:00 ng hapon.
Ang sports complex ay maaaring okupahan ng halos 2,500 katao. (JUN DAVID)