HUWAG nang magsisihan o magturuan sa pinangangambahan idudulot ng Dengvaxia vaccine.
Huwag na rin mag-alala ang mga nabakunahan pero hindi pa (pala) nagkasakit ng dengue dahil nakahanda naman ang gobyerno sa pamamagitan ng Philhealth para tumulong – sasagutin ng pamahalaan ang mga gastusin sa mga tatamaan ng severe dengue dulot ng Dengvaxia vaccine.
Pahabol pa, huwag na rin mag-alala o magagalit dahil pananagutin ng administrasyong Duterte ang mga nasa likod ng apurahang pagbili ng P3 bilyong halaga ng vaccine ng nakaraang PNoy administrasyon.
Kinukuwestiyon ang pagbili ng gamot lalo na’t bago maghalalan noong 2016 binili ito bukod sa wala naman pondo na nakalaan para sa gamot.
Napakasarap pakinggan at masasabing napakadaling sabihin — na huwag mag-alala. Bakit? Nakapapawi ba ng pangamba ang… huwag… huwag… huwag?
Totoong iba na ang gobyerno natin ngayon – hindi puwede kay Pangulong Duterte ang estilo ng mga nagdaang administrasyon. Katunayan, maraming beses nang pinatunayan ng Pangulo na kapag pumalpak ang kanyang iniupo o mabalitaang sumabit sa anomalya, agad niyang sinisibak at kinakasuhan.
Ngunit, hindi pa rin natin maalis ang pangamba sa puwedeng mangyari. Oo nga’t sasagutin ng pamahalaan – sa pamamagitan ng Philhealth, ang gastusin sa pagpapagamot sa tatamaan ng severe dengue pero hanggang kailan ito? Hanggang bukas, susunod na buwan o hanggang sa susunod na taon?
Alalahanin natin, ang sabi ay mararamdaman lang ang masamang epekto ng denggoy vaccine este, Dengvaxia makalipas ang tatlo hanggang limang taon.
Kapag darating ang taon na iyon, nandiyan pa kaya ang gobyerno sa tabi ng mga biktima? Nandiyan siyempre ang gobyerno hindi mawawala iyan pero, ang tulong kaya lalo ang manggagaling sa Philhealth?
E, ngayon pa lang nga napakarami nang reklamo sa Philhealth — maraming matagal nang naghihintay sa kanilang matagal-tagal nang reimbursement sa ahensiya pero hanggang ngayon ay pinapabalik-balik nila ang miyembro ng naghahabol.
Kaya, paano natin maasahan ang tulong mula sa Philhealth para sa 800,000 estudyante na ‘nalason’ na ‘este, mali pala kundi nabakunahan na.
Maaaring sa ngayon ay magiging aktibo ang Philhealth o ang lahat sa pagtulong sa mga ‘biktima’ – hindi lang sa pagpapagamot kundi hanggang makasuhan at makulong ang nasa likod ng maanomalyang pagbili ng gamot (kung may nangyaring anomalya) pero hanggang kailangan ang alingawngaw na ito? Mayroon kayang makukulong sa kapalpakan ng dating administrasyon?
Heto nga, marami nang ahensiya ang nakatakdang mag-imbestiga hinggil sa vaccine kabilang ang pagbili nito, pero solusyon nga ba ito sa pangamba ng daan-daang magulang (kabilang na ang inyong lingkod) sa kalagayan ng mga batang naturukan na?
Napakadaling sabihin, relax lang kayo… don’t panic! Ha! Hindi ka ba magpapanik nito. Aba’y mas malala pa raw ang magiging kalagayan ng mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue kaysa mga nagka-dengue noong wala pa ang bakuna.
Napakadaling sabihin na huwag mag-alala. Magpaturok din kaya kayo. Tingnan natin kung makatulog kayo.
Makatutulog pa ba kayo niyan, samantala mismong ang manufacturer ng vaccine – ang Sanofi Pasteur ang nagsabing ang mga naturukan ng gamot na hindi pa nagkaka-dengue ay mas malamang na magkaroon ng dengue kaysa mga nakaranas nang magka-dengue noong hindi pa nadidiskubre ang vaccine.
Nakapanlulumo ang balitang ito na mismong manufacturer ang umamin sa kapalpakan o sa masamang dulot ng vaccine.
Anyway, sana’y hindi lang hanggang turuan, sisihan at imbestigasyon ang patutunguhan ng lahat. Kung sana ay makagawa ng paraan ang gobyerno o lalo na ang DOH na huwag magkaroon ng severe dengue ng mga biktima.
Oo nga’t magsisimula bawat isa ang lahat para masawata ang dengue sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran ngunit, paano na ang mga naturukan? Wala bang gamot na puwedeng ipanlaban sa gamot na naiturok sa daan-daang libong estudyante, hindi pa kabilang dito ang mga sibilyan na naturukan sa mga bara-barangay.
Gamot ulit? Ha ha ha!
Well, sana nga may makulong na ang apurahang pagbili ng nasabing vaccine? Huwag mangamba… huwag matakot…. naku po. Magpaturok kayo at saka ninyo sabihin iyan!