INARESTO ng mga pulis ang mag-ama nang mag-amok gamit ang baril at samurai sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Nakapiit sa Pasay City Police detention cell ang mag-amang sina Renato Ibisate, Sr., 63, at Renato Ibisate, Jr., 30, kapwa residente sa Maricaban.
Ayon sa pulisya, hinuli si Renato, Jr. sa harap ng kanilang bahay sa naturang lugar nang mag-amok dakong 9:00 ng gabi.
Dahil sa takot ng mga residente, agad silang nagreklamo sa pulisya at nang magresponde ang mga pulis ay inabutan ang lasing na si Renato Jr., habang nagwawala kaya agad nilang inaresto at kinompiska ang hawak na .38 kalibreng baril.
Nang malaman ni Renato, Sr., na hinuli ang kanyang anak, lumabas siya ng bahay na armado ng samurai. Ngunit naging alerto ang mga pulis at agad nilang dinis-armahan si Renato, Sr.
Nabatid sa barangay, marami silang natatanggap na reklamo mula sa mga residente laban sa mag-ama dahil tuwing nalalasing ay nagwawala at naghahamon umano ng away.
Ang mag-amang suspek ay parehong nahaharap sa kasong paglabag sa illegal possession of fire arms and deadly weapon.
(JAJA GARCIA)