NAKATAKDANG tapusin ng Department of Justice (DoJ) sa Enero ng susunod na taon ang preliminary investigation hinggil sa kasong smuggling na inihain ng Bureau of Customs (BoC) laban sa ilang indibiduwal kaugnay sa P6.4 bilyon shabu shipment mula China.
Itinakda ni Assistant State Prosecutor Charles Guhit sa 4 Enero 2018 ang pagsusumite ng memorandum ng siyam respondent at ng BoC, at pagkaraan ang kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ay isusumite para sa resolusyon.
Bago ito, ang BoC ay magsusumite ng reply sa counter affidavits sa 20 Disyembre.
Kabilang sa kinasuhan ng BoC si customs fixer Mark Ruben Taguba II at negosyanteng si Kenneth Dong, kapwa hiniling sa DoJ na ibasura ang kaso bunsod ng kawalan ng probable cause.
Ang iba pang kinasuhan ay sina Philippine Hongfei Logistics Group of Companies Inc., chairman Chen Ju Long, alyas Richard Tan o Richard Chen; Eirene May Tatad, may-ari ng EMT Trading, consignee ng drug shipment; Taiwanese nationals Chen Min at Jhu Ming Jyun; warehouseman Fidel Anoche Dee, customs broker Teejay Marcellana, Manny Li at ‘di kilalang indibiduwal, pinaniniwalaan ng BoC na sangkot sa shabu shipment.