MAAARING panagutin ang makakaliwang grupo na mapapatunayang nagbigay ng logistical support sa mga rebeldeng komunista na idineklara bilang terorista ni Pangulong Rodrigo Duterte, babala ng militar kahapon.
Magugunitang pinalaya ni Duterte nitong nakaraang taon ang rebel leaders mula sa piitan at muling binuksan ang usapang pangkapayapaan.
Ngunit ipinatigil niya ang usapang pangkapayapaan bunsod ng serye ng mga pag-atake ng mga komunista sa mga sundalo at pulis.
Nitong Martes, pinirmahan ng Pangulo ang order, nagdedeklara sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) bilang “terrorist organizations” bunsod ng umano’y patuloy na pag-atake.
Biniberipika ng mga awtoridad ang impormasyon na ang CPP-NPA ay tumanggap ng tulong mula sa mga militanteng grupo, katulad ng Bayan, Akbayan at Bayan Muna, pahayag ni military spokesman, Col. Edgard Arevalo.
“Mayroon po tayong impormasyon na natatanggap hinggil sa mga tulong na kanilang inihahatid… Kung ang sino mang grupo ay mapapatunayan na sila ay nagkakanlong o sila ay nagbibigay ng ayuda o tulong sa mga teroristang grupo then puwede na po silang makasuhan,” ayon kay Arevalo.