HINDI biro mga ‘igan ang kapalpakan sa usaping ‘dengue vaccine’ dahil nalalagay ngayon sa peligro ang 730,000 estudyanteng naturukan nito.
Kaya’t hayun, batikos dito, reklamo doon ang ibinabato. Hinaing at daing ang maririnig partikular sa mga magulang, sampu ng mga kaanak ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ng Regions 3, 4-A at NCR (National Capital Region). Sa tatlong rehiyon inilunsad ang nasabing ‘Degue Vaccination Program’ ng administrasyong Aquino.
Aba’y dapat managot ang mga sangkot sa kapalpakang ito! Isyung P3.5 bilyong bakuna scam ay dapat imbestigahan at hindi dapat isawalangbahala, sapagkat malaking dagok ito sa kalusugan ng mga batang naging biktima ng nasabing.
Seryoso namang tiniyak ng Malacañang na kanilang papanagutin ang responsable sa kapalpakan mga ‘igan!
“We will leave no stone unturned in making those responsible for this shameless public health scam which puts hundreds of thousands of young lives at risk accountable,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr. “We assure the public that as per the Department of Health (DOH) there is currently no reported case of severe dengue infection to the individuals who received one dose of dengue vaccine last year,” dagdag paliwanag ni Roque.
Pero teka, ano itong pinagkakitaan umano ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang nasabing bakuna para sa dengue? Ayon sa aking pipit-na-malupit, sa simula pa lamang ay wala na umanong kainte-interes si PNoy sa programang pangkalusugan.
Pero, ano kaya ang nagtulak sa kanya upang mabuo ang interes sa sakit na Dengue? At take note, hindi pa ito ang pangunahing sakit ng mga Pinoy!
He he he…Magkanong dahilan ang usapin dito ‘igan? Ayaw kong mag-isip…pero napipikitan ako…he he he.
Lalo pa ang isyung minadali umano ni Noynoy ang pagbili ng Dengvaxia, samantala ilang buwan na lang ang termino niya bilang pangulo! Ang matindi pa rito mga ‘igan, ayon sa aking pipit-na-malupit, mismong si Noynoy ang nag–go signal pa more kay Health Secretary Jannette Garin na bilhin na agad ang kontrobersiyal na Dengvaxia.
Aba’y teka, may naging budget ba ang Department of Health ukol sa pagbili ng Dengvaxia na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon? Sus wala ‘igan, kung kaya’t nagkukumahog umano ang kanyang budget secretary na maghanap ng pera para rito.
Ay sus ginoo…
O, paano ‘igan, sadya nga bang pinagkakitaan, partikular ni Noynoy ang pagbili sa palpak na bakuna? Aba’y ‘pag nagkaganoon, sa rehas na bakal ang da-ting pangulo! Hindi dapat palagpasin ang ganitong klaseng korupsiyon sa pamahalaan.
PAGING NATIONAL
PARKS DEVELOPMENT
COMMITTEE
Tuloy–tuloy mga ‘igan ang pagbaboy sa Plaza Lawton. Magpahanggang ngayon ay nagpapaka-ligaya pa rin ang mga sangkot sa illegal terminal at illegal vendors sa Plaza Lawton. Paparami nang paparami ang mga bus na pumaparada sa harap mismo ng opisina ni Lawton PCP commander, S/Insp. Randy Pasta Veran.
Kailan kaya, mabibigyan ng pansin ang talamak na kurakutan sa illegal terminal? Kailan mabibigyan ng leksiyon ang mga opisyal ng barangay na sangkot sa kurakutan sa Plaza Lawton?
Ano kaya ang magagawa ng National Parks Development Committee para maisaayos ang takbo ng Plaza Lawton na pinamumunuan ni Barangay Chairman Ligaya Santos? Walang nagawa ang MMDA (Metro Manila Development Authority) na pinamumunuan ni Chairman Danilo ‘Danny’ Lim. ‘Ika nga’y ningas-kugon sa kanilang ‘clearing operation.’
Tingnan natin ang magagawa ng National Parks Development Committee, nawa’y mabigyan ito ng kaukulang pansin dahil isa itong makasaysayang lugar ng bansa.