ARAW-ARAW, bantad tayo sa mga nagaganap na karahasan na nakikita natin sa telebisyon, nababasa sa diyaryo at
‘yung iba sa atin, mismong sa harap ng dalawang mata nagaganap ang iba’t ibang uri nito.
Pero kung bubusisiin, marami sa mga karahasang ito ay nagsisimula sa inggit at yabang hanggang maging palalo lalo’t kung may hawak na kapangyarihan.
Inggit at yabang na nagreresulta sa pag-angkin sa hiram o pansamantalang kapangyarihan. Ang nakalulungkot dito, nagkamali ang mga nagtiwala.
At ang unang palatandaan ng pagkakamali, ang pag-abuso sa kapangyarihan ng pinagkatiwalaan.
Kapag pinuna sa pang-aabuso, nagmumukhang sumisangasing na halimaw. Ang bibig ay tila dragon na nag-aapoy sa pagmumura at ang mata ay nanlilisik na tila sa isang demonyo.
Isang kaigihan sa social media ngayon, nababantad kung paano mag-isip ang mga abusado. Mula sa pagpili ng salita hanggang kung paano makipag-usap sa kanilang katalo o ka-argumento.
Ang problema, kapag kinakapos sa pangangatuwiran at rason, agad kumakalas sa ‘lona ng maginoong laban’ at nagbabanta ng karahasan.