PANANAGUTIN ng Palasyo ang mga responsable sa P3.5 bilyong Dengvaxia anomaly na naglagay sa panganib sa buhay ng libo-libong mag-aaral.
“We will leave no stone unturned in making those responsible for this shameless public health scam which puts hundreds of thousands of young lives at risk accountable,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi ni Roque, nakikipagtulungan ang Department of Health (DoH) sa Department of Education (DepEd) upang i-monitorr ang libo-libong mag-aaral na naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Batay sa ulat, minadali umano nina Dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Health Secretary Janet Garin ang pagbili sa P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccine mula sa kompanyang Sanofi noong Enero 2016 sa kabila na hindi pa ito aprubado ng World Health Organization.
Noong nakalipas na linggo, inamin ng Sanofi na hindi dapat gamitin ang Dengvaxia sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue dahil posibleng magkaroon ng malalang sakit sa kalaunan.
Giit ni Roque, wala pang dahilan upang mag-panic ang publiko lalo sa National Capital Region (NCR), Region III at Region IV-A na ibinigay ang Dengvaxia vaccine sa mga estudyante dahil wala pang napapaulat na “severe dengue infection” mula sa mga naturukan ng bakuna.
Tiniyak ni Roque, ang health officials ng administrasyong Duterte ay ginagampanan ang kanilang mandato upang bantayan ang kalusugan ng mga mamamayan, kasama ang maigting na pagtutol at ebalwasyon sa dengue vaccination program.
(ROSE NOVENARIO)