PINABABA ang 600 pasahero sa isang southbound na tren ng MRT-3 nang tumirik nitong Linggo.
Pasado 11:20 am nang huminto ang tren habang papalapit sa Cubao station dahil sa problema sa automated train protection (ATP) system, ayon sa abiso ng MRT.
Nagkakaaberya anila ang ATP kapag naiipit ang tachometer na sumusukat sa bilis ng tren.
Labindalawang tren ang tumatakbo hanggang 12:00 ng tanghali.
Binawi ng Department of Transportation (DOTr) ang maintenance ng MRT nitong Oktubre mula sa Busan Universal Rail Inc., dahil sa madalas na mga aberya.
Kasalukuyang nakikipagnegosasyon ang DOTr para maibalik ang maintenance ng MRT sa Sumitomo Corp.