IGINIIT ni Vice President Leni Robredo na pagsalungat sa Konstitusyon ang pagsusulong ng isang revolutionary government sa bansa.
Ayon kay Robredo, nakababahala ang patuloy na pagpapalutang ng ganitong posibilidad, dahil nagpapakita ito ng kawalang-tiwala sa pamahalaan at sa Konstitusyon na sinasaligan nito.
Higit na nababahala ang bise presidente dahil ilang miyembro ng pamahalaan ang mismong nagsusulong nito.
“Kapag sinabi mong revolutionary government, gusto mong isantabi iyong Konstitusyon. Laban ito sa mga existing na batas, kaya nakababahala na,” aniya sa isang panayam sa pagdiriwang ng ika-154 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio sa Caloocan City, nang hingan ng reaksiyon tungkol sa nagsusulong ng rebolusyonaryong pamahalaan.
“Iyong tanong nito, iyong mga sasali ba rito may be held legally liable? Kasi iyong pag-aalsa laban sa Konstitusyon, pag-aalsa iyon laban sa pamahalaan,” dagdag niya. “Ito kasi, baka hindi naiintindihan ng karamihan iyong implikasyon ng pagdeklara ng revolutionary government. Iyong pagdeklara ng revolutionary government, sinasabi na wala na tayong paniniwala sa gobyernong ito, wala na tayong paniniwala sa Konstitusyon na iyon ang platform kung saan nakatayo iyong present na pamahalaan.”
Muling sinabi ni Robredo na pinanghahawakan niya ang naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na hindi siya magtatatag ng revolutionary government, o magdedeklara ng martial law sa bansa.
“Tingin ko napakahalaga ng statement niyang iyon, kasi dapat it will put to rest iyong lahat na mga haka-haka na baka ito, baka mag-declare. Kapag si Pangulo na mismo iyong nagsabi na hindi magde-declare, iyon iyong panghahawakan natin,” wika ni Robredo.
IKA-154 KAARAWAN
NI GAT ANDRES
GINUNITA
SA CALOOCAN
PINANGUNAHAN nina Vice President Leni Robredo at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang simpleng pagdiriwang ng ika-154 kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio sa Bonifacio Monument, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Unang napaulat na pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang seremonya kasama ang kanyang spokesman na si Harry Roque, ngunit hindi nakadalo ang punong ehekutibo dahil bumisita sa Mindanao.
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sina Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero, National Historical Commission Director Ludovico Badoy, at Atty. Gregorio Bonifacio, kamag-anak ni Gat Andres Bonifacio.
Sa opening remarks ni Mayor Malapitan, binigyan-diin niya ang 20 porsiyentong pagbaba ng crime rates sa lungsod at ang nakalinyang ipatutupad na mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan, kabilang ang Tutuban-Clark Railways at pagbubukas ng bagong Big Dome sa 8 Disyembre at bagong city hall na nakatakdang buksan sa 19 Disyembre.
Nagtapos ang pagdiriwang sa pagsasalita ni Secretay Lorenzana na nagsilbing guest of honor at speaker, na binanggit ang tungkol sa tunay na kuwento ng buhay ni Bonifacio.
(ROMMEL SALES)